MGA BATA NAMAN

SA susunod na buwan, sisimulan na ang pagbabakuna sa mga batang edad 5-anyos hanggang ­11-anyos para magkaroon sila ng proteksyon sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Mahigit 50% porsyento na raw kasi sa mga bagets na edad 12-anyos hanggang 17-anyos ang nabakunahan na kaya sisimulan na ang pagbabakuna sa mga mas bata sa kanila sa Pebrero.

Nagtatanong tuloy ang mga tao kung sakaling may mamatay (huwag naman sana) na batang mababaku­nahan, mag-iingay ba si Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta?

Naging kontrobersyal kasi ang Dengvaxia noong nakaraang administrasyon dahil sa pag-iingay ni Acosta laban sa bakuna kontra sa ­dengue nang may mga batang namatay matapos daw mabakunahan.

Idedepensa rin ba ni Acosta ang mga magulang ng mga bata na matuturukan ng COVID-19 vaccines kung may mangyaring masama sa kanila kung sakali? Abangan natin.

Kasi sabi ng Lolo ko, makikita mo na totoo ang ­adbokasiya ng isang tao kapag consistent siya sa kanyang paninindigan at aksyon pero kapag tahimik sa isang bagay na kahalintulad ng kanyang ipinaglaban dati, kuwestiyonable yun.

Balik tayo sa pagbabakuna sa mga nakababatang populasyon ng ating bansa, dapat siguro nakatutok dito ang mga pediatrician para masiguro na naaayon ang bakuna sa mga bata.

Dati kasi, basta turok na lang ng turok sa mga bata at hindi inaalam ang medical history ng kanilang mga ­pasyente kaya nangyari ang mga hindi dapat mangyari.

Hindi sapat na may consent ang magulang ng batang tuturukan dahil alam naman natin, maraming bata ngayon ang hindi naalagaan ng mga doctor dahil sa kahirapan sa buhay.

Aminin na natin, ‘yung mga anak lang ng mga mayayaman at may kaya sa buhay ang may regular na pedia pero ‘yung mga anak ng mga mahihirap saka lang nakatikim ng check-up noong bagong panganak lang at walang sariling pedia.

Tiyak na walang medical record ang mga kabataan na anak ng mga mahihirap kaya dapat i-check-up muna ang mga bata bago sila ­bakunahan para walang sablay dahil laging sa huli nagkakasisihan.

145

Related posts

Leave a Comment