MGA DOROBO NGA BA ANG NAIS ALISIN SA PWESTO SI ES RODRIGUEZ?

MY POINT OF BREW Ni JERA SISON

MAHIRAP ang kinatatayuan na posisyon ni Executive Secretary Vic Rodriguez o si ‘Mr. little President’. Ang pananaw ng nakararami ay sa kanya dumadaan ang lahat ng mga liham, request, appointments at ang mga iba pang sensitibong dokumento bago makaabot ito kay Pangulong Bongbong Marcos.

***

Hindi naman kataka-taka na siya ang itinalaga ni PBBM sa nasabing puwesto. Malaki ang tiwala ng ating Pangulo kay ES Rodriguez. Bukod sa naging abogado ni PBBM si Rodriguez sa kanilang laban sa kasong pandaraya noong 2016 vice presidential elections laban kay Leni Robredo, tapat na nagsilbi si ES Rodriguez kay Marcos sa mga ilang aspetong legal sa mahabang panahon.

***

Malaki rin ang naitulong ni Rodriguez noong panahon ng kampanya, kasama siya ni Marcos sa buong kapuluan ng Pilipinas. Siniguro din ni Rodriguez na ang lahat ng kontribusyon at donasyon sa kampanya ng UniTeam ay napunta sa dapat na pag-gagamitan. Bakit ko nasabi ito? Simple lang po. Kung may bahid ng katiwalian o pagdududa si Bongbong Marcos at ang kanyang asawa na si Madame Liza kay Rodriguez, tiyak na hindi na siya itinalaga bilang Executive Secretary.

***

Ilan mga isyu ay pilit na kinakaladkad ang pangalan ni ES Rodriguez sa umano’y kapalpakan o kwestyon sa mga hakbang ng administrasyon ni PBBM. Kesyo, malaki daw ang nakulimbat na pera ni Rodriguez sa panahon ng kampanya. O kaya naman ay nanghihingi ng malaking halaga kapalit sa mga sensitibong posisyon sa gobyerno. Ngayon naman ay isinasangkot si ES Rodriguez sa kapalpakan sa walang pahintulot na pag-angkat ng asukal ng Sugar Regulatory Administration (SRA).

***

Pinapalabas na si ES Rodriguez ang may utak umano sa planong pagpapalusot ng importasyon ng mahigit 300,000 metric tons ng asukal sa bansa. Maliwanag ang pahayag ni Press Secretary Trixie Angeles na si ES Rodriguez mismo ang nakapansin ng anomalya at agad na ipinaalam niya ito kay PBBM. Dagdag na paliwanag pa ni Sec. Angeles na iba ang pag-apruba ng resolusyon upang mag-angkat ng asukal sa hinihingi ni ES Rodriguez na plano sa nais nilang mag-import ng asukal.

***

Ang sabi ko nga, mahirap ang trabaho at karampatang responsibilidad na nakaatang kay ES Rodriguez. Sala sa init at sala sa lamig. Maliban pa dito ay tila naiipit siya siya sa malalaking nag-uumpugan na bato sa mga taong tumulong at malaki ang kontribusyon sa kampo ni BBM sa nakalipas na kampanya. Marami sa kanila ay naghahangad ng kapalit sa pamamagitan ng posisyon sa gobyerno. Kasama si ES Rodriguez sa nasabing screening committee sa mga kwalipikadong personalidad na isusumite kay PBBM.

***

Ang balita ko ay sinusumite lamang ang ‘short list’ ng 5 pangalan na pagpipilian ni PBBM. Sa madali’t salita, ang may huling desisyon ay si PBBM pa rin. Syempre naman noh? Kaso, iginigiit ng mga ibang kampo na galit kay ES Rodriguez na siya ang dahilan kaya hindi sila makapasok sa mga sensitibong posisyon sa administrasyon ni Marcos.

***

Kaya hindi kataka-taka ang mga tsismis na ipinupukol kay ES Rodriguez. Marahil ay may mga ilang dorobo diyan na ang plano ay patalsikin sa puwesto si Rodriguez sa kanyang posisyon. Balita ko nga ay ang kampo na nagsasagawa nito ay malaki ang kompromiso sa mga nagbigay ng campaign contribution noong kampanya na hindi naman umano umabot sa UniTeam.

***

Nangako raw ang kampo na ito na kapag nagbigay ang mga taong ito ng malaking halaga, ay maipupwesto niya sa gobyerno ang mga tao ng nasabing mga campaign funder. Sa madaling salita, tila na budol ang mga ito. Kasi hindi makalusot sa screening committee na pinamumunuan ni ES Rodriguez ang masamang adyenda ng kampo na ito.

***

Kaya sinasabi ko na sa inyo. Malamang ay may mga dorobo na bumabatikos kay ES Rodriguez ang hindi nakuha ang gusto nilang puwesto at pumuputok ang kanilang butse.

Related posts

Leave a Comment