MGA GANID ‘DI MAWAWALA HANGGA’T…

DPA Ni Bernard Taguinod

HANGGA’T hindi tayo industrial country, magpapatuloy sa pagsasamantala ang mga ganid sa lipunan na nagpapayaman lang sa iilan pero nagpapahirap sa lahat ng mamamayan.

Hindi mawawala ang mga ganid, cartel, price manipulator, smugglers kasama na ang mga kasabwat nila sa gobyerno hangga’t hindi umuunlad ang sektor ng agrikultura sa ating bansa at hahayaan lang ng gobyerno ang mga magsasaka na dumiskarte sa kanilang sarili.

Sa ngayon, ang tanging makinang ginagamit sa pagsasaka, pag-aararo at nag-aani ng palay ay pribado pa ang may-ari kaya mahal, dahil ‘yung mga ipinamimigay na makina sa local government unit (LGUs) ay hindi naman napakikinabangan ng ordinaryong mga magsasaka lalo na kung malawak ang sakahan ng mga nasa munisipyo.

Wala pa tayong makina na nag-aani ng ibang pananim maliban sa mais at palay, kaya mano-mano pa rin. Wala rin tayong makina na nag-i-spray ng mga pamatay peste at nag-aabono. Sa ibang bansa, lalo na sa China at Amerika, kumpleto na sila.

Ang malupit pa, wala pa tayong mga cold storage at mga bodegang paglalagakan ng mga magsasaka ng kanilang ani kaya hindi sila makapagtanim nang marami dahil kung meron mang ganitong pasilidad, kopo na ng mga middleman.

Wala rin tayong industriya na magpoproseso sa mga sobrang ani (sana) ng mga magsasaka kaya papaano gaganahan ang mga tulad kong magtanim nang marami kung walang mga processing plant?

‘Yan ang sinasamantala ng mga ganid sa lipunan kasama na ang kanilang mga kasabwat sa gobyerno pero kung marami tayong industriya at sapat ang tulong ng gobyerno sa mga magsasaka baka ganahan ang mga magsasaka na magtanim at magkaroon ng sobrang supply.

Hindi sapat na tulong ang mga farm to market road na karamihan ay madaling nasisira, para sabihing umunlad na ang sektor ng pagsasaka sa ating bansa. Ang kailangan, industriyalisasyon at sapat na tulong sa kanila.

Hindi rin mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga abono dahil wala tayong pagawaan n’yan dito. Meron pala, pero iilan lang yata at hindi kayang suplayan ang buong bansa.

Sinasamantala din ‘yan ng mga ganid sa lipunan kaya wala silang pakundangan kung magtaas ng presyo dahil sa ayaw at sa gusto ng mga magsasaka ay bibili sila para hindi masira ang kanilang mga pananim.

Hindi lamang sa sektor ng agrikultura ang dapat i-industrialize kundi sa lahat sana tulad ng paggawa ng bakal dahil ang dami nating raw materials na ang nakikinabang lang ay ibang bansa.

Pamahal nang pamahal ang construction materials dahil wala tayong pagawaan ng bakal at limitado ang bilang ng mga gumagawa ng semento sa ating bansa kaya wala tayong magawa kundi umangkat sa China pero ang mga materyal na ginagamit nila ay galing din sa Pilipinas.

Hindi ko alam kung may pumipigil sa gobyerno na huwag pasukin ang industriyalisasyon pero ito sana ang pagtuunan ng gobyerno sa halip na ang pagpasok sa negosyo gamit ang Maharlika Investment Fund dahil hindi pa rin tayo uunlad n’yan.

14

Related posts

Leave a Comment