MGA INABANDONANG BALIKBAYAN BOXES ‘DI NA AABOT BAGO MAGPASKO SA MGA MAY-ARI NITO

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

ILANG araw na lang ay Pasko na at patuloy pa rin kaming nakatatanggap ng mga mensahe sa ating mga kapatid na OFWs sa UAE ukol sa delivery ng kanilang mga kahon na ipinangako ng Bureau of Customs.

Sa huling panayam ko kay BOC Director Michael Fermin sa ating programa sa DZME, sinabi nito na kanila nang kinuha ang mga natitirang mga kahon sa Hobart Warehouse sa Balagtas, ­Bulacan matapos ang December 3, ang huling araw ng pagkuha ng ­balikbayan boxes sa naturang warehouse.

Ang mga kahon daw ay ibinalik na sa BOC at ito ay kanilang inaayos upang ipadala naman sa Visayas at Mindanao kung saan nakatira ang karamihan sa mga kukuha nito. Ibabagsak daw sa mga opisina ng BOC sa naturang mga lalawigan ang mga kahon at bahala na ang port collectors sa distribusyon ng mga ito.

Nagsimula ang pick-up ng mga kahon sa Balagtas, Bulacan noong huling linggo ng Oktubre na tumagal ng ilang linggo bago ang Disyembre 3. Naging magulo ang sistema ng pagkuha ng mga kahon bago ito naayos pero marami pa ring mga kahon ang mga nawawala ayon sa mga kamag-anak ng mga OFW na kumuha nito, partikular na ang TV sets na hindi maipaliwanag kung saan napunta.

Hindi ko pa rin lubos maisip kung bakit inubos ng BOC ang ­mahigit isang buwan sa sistema ng pick-up ng mga kahon na dapat ay ginawa lang nila ng ilang linggo at sinimulan na ang delivery. ­

Dahil karamihan ng mga kukuha nito ay nakatira sa malalayong mga lugar at walang kakayahan na kunin ang kanilang mga padala.

Naalala ko tuloy ang komento ng isang kaibigan na may kaalaman sa delivery ng mga kahon, sinabi nito na hindi uubra ang gustong mangyari ng BOC na ipa-pick-up ang mga kahon, mas magulo raw ito kaysa sistema kung saan idedeliver na lang sa mga bahay ng mga may- ari nito.

Hindi na raw kinakailangan pang umupa ng warehouse ng BOC at maglaan pa ng mga tao para sa mga kukuha ng kahon. Malaki pa sana ang natipid nilang pera kung ibinigay na lang sa DDCAP ang trabaho at monitoring na lang ginawa nila.

Sa sistemang ginagawa ngayon ng BOC mukhang malabong maihatid sa recipients ang mga kahon bago magpasko katulad ng plano.

149

Related posts

Leave a Comment