MGA KAHILINGAN PARA SA TAONG 2020

Sa Ganang Akin

PANAHON na naman nang paggawa ng mga resolusyon sa pag-asang magiging mas mabuti tayo at ang mga bagay na dala ng bagong taon. Karaniwang ginagawa ang mga pagpaplano sa umpisa ng taon. Nariyan pa ang paggawa ng listahan ng mga re­solusyon ngunit nakalulungkot na karaniwang hindi na ulit tinitingnan ang listahang ito matapos maisulat. Sa madaling salita, ang mga resolusyon ay karaniwan nang hindi nasusunod.

Sa halip na gumawa ng listahan ng mga resolusyon, mukhang mas mainam pa kung gumawa na lamang ng listahan ng mga kahilingan para sa taong 2020. Tamang-tama at nagdiwang din ako ng aking ika-56 na kaarawan noong Sabado, ika-4 ng Enero kaya’t maituturing ko na mapalad ako dahil narito pa rin ako — buhay at malusog. Marahil ay may plano pa ang Diyos para sa akin.

Ang taong 2019 ay naging makasaysayan para sa ating bansa at ngayong pagpasok ng 2020, ang Year of the Rat, ang aking pinakahihiling ay ang pagkakaroon ng matibay at magandang relasyon at pagkakaisa sa pagitan ng pribado at publikong sektor upang mas maisulong pa ang paglago ng ating ekonomiya na  makabubuti sa mga Pilipino.

Ang nangunguna sa aking listahan ay patungkol sa bagay na nakakaapekto sa mga Pilipino sa araw-araw. Sana ay makahanap na ng solusyon ang ating gobyerno sa napakatinding problema natin sa trapiko. Hindi ko maiwasang isipin na sana ay naging mas mahaba na lamang ang bakasyon dahil napakaluwag ng daloy ng trapiko sapagkat karamihan sa mga mananakay ay nasa mga probinsya at abala sa bakasyon.

Ito ay patunay na ang problema sa trapiko ay dahil sa dami ng sasakyang gumagamit ng mga pangunahing lansangan kabilang ang EDSA. Malamang ay hindi lamang ako ang may ganitong kahilingan na sana ay magkaroon ng mga karagdagang daanan na magsisilbing alternatibong ruta ng mga motorista upang mabawasan ang bigat ng trapiko sa mga pangunahing lansangan.

Bukod sa pagdagdag ng mga daanan, makatutulong sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko ang pagkakaroon ng alternatibong transportasyon gaya ng tren. Kung magiging epektibo ang tren bilang transportasyon, maaaring ito na lamang ang gamitin kaysa sa cargo truck  na bumabaybay sa mga pangunahing daanan sa Metro Manila na dumaragdag sa masikip na daloy ng trapiko.

Dapat nang madaliin ng gobyerno ang pagpapagawa ng mga karagdagang daanan, tulay, at iba pang mga kailangan upang matulungang lumuwag ang daloy ng trapiko. Ito ay importante upang masuportahan ang lumalagong ekonomiya ng Pilipinas. Malaki ang kontribusyon ng industriya ng konstruksyon sa progreso ng ating bansa. Tayo ay nasa panahon ng makabagong teknolohiya at modernong imprastraktura na nagbibigay ng kakayahan sa industriya ng konstruksyon na gumawa ng mga mas ligtas na kapaligiran para sa pagtatrabaho, mas magandang kalidad ng komunikasyon at mas mabilis na pagtatapos ng mga proyekto. Ang mga pagbabagong ito ay magiging daan sa pagkakaroon ng mas mabisang mga daan at tulay.

Ako ay naniniwala na mayroon na tayo ng mga kinakailangang bagay upang ma­sugpo ang matinding problema sa trapiko. Kailangan na lamang ng perpektong tiyempo, tamang lebel ng kadalubhasaan at epektibong pangangasiwa upang mabuo ang sistemang susugpo sa problemang ito. Kung badyet ang paguusapan, ang gobyerno ay naglaan ng P972.5 bilyon mula sa kabuuang badyet ng taong 2020 para sa programang pang-imprastraktura nitong ‘Build, Build, Build’ (BBB).

Isa pa sa aking mga pangunahing kahilingan ay ang pagkakaroon ng sapat na supply ng tubig sapagkat hindi ko nais pang balikan ang naranasang kakulangan sa supply ng tubig ng ilang mga residente sa Metro Manila. Bago natapos ang 2019, nagbigay ng kautusan si Pangulong Duterte sa ahensya nitong nangangasiwa sa supply ng tubig na ituloy na ang pagpapagawa ng Kaliwa Dam sa ­Quezon at ng Wawa Dam sa Rizal at huwag nang bigyan ng pansin ang mga kumakalaban at kumokontra sa nasabing proyekto. Tayo ay mapalad na magkaroon ng pangulong mabilis umaksyon sa mga usaping nakakaapekto sa lahat.

Ngunit sana ay huwag maisantabi ang usapin ukol sa supply ng kuryente para sa bansa at maging prayoridad ito ng pamahalaan sa taong ito.

Ayon kay Department of Energy Secretary Alfonso Cusi, upang magpatuloy ang paglago ng ating ekonomiya, kailangang masiguro na mayroon tayong sapat na supply ng kuryente sa bansa hindi lamang ngayon kundi pati sa mga susunod na taon. Ako’y naniniwala na ang mga madalas na pag-aanunsyo ng yellow at red alert noong nakaraang taon bunsod ng numinipis na supply ng kuryente ay indikasyon na kailangan ding pagtuunan ng pansin ang usa­ping ito.

Ayon pa kay Cusi, ang pagtaas ng demand sa kuryente ay isang mabuting indikasyon na lumalago ang ekonomiya ngunit ito rin ay indikasyon ng isang masamang balita – na mas kailangan ang ­karagdagang supply ng kuryente upang matustusan ang programang ­pang-imprastraktura ng ­gobyerno. Kailangan ng karagdagang supply upang masigurong masusuportahan nito ang lumalagong ekonomiya at dumaragdag na mga imprastraktura. Ang pagdaragdag ng kapasidad ay hindi madali kaya’t kabilang sa aking mga kahili­ngan ay ang patuloy na pagpapatupad ng Competitive Selection Process (CSP) kagaya noong nakaraang taon upang mabigyang daan ang pagpapagawa ng mga bagong planta ng kuryente at madagdagan ang kapasidad sa power grid.

Sa kabuuan, positibo ang a­king pakiramdam para sa taong ito at kahit na alam kong matin­ding hamon ang aking mga kahilingan, naniniwala akong posible itong matupad. Ang ating pagiging matiisin at ang kakayahang malampasan ang mga hamong kinakaharap ang magiging susi upang ­mapagtagumpayan natin ang anumang hamon na dala ng 2020. (SA GANANG AKIN / Joe Zaldarriaga)

176

Related posts

Leave a Comment