MGA KASO NG PANGHAHALAY NA INILAPIT SA AMIN MAY LINAW NA

NAARESTO na at naghihimas ng malamig na rehas na bakal ang suspek sa isa sa dalawang rape case na aming hinawakan nito lang nakaraang taon. Ang suspek na tiyuhin pa man din ng dalawang biktima, ay nasampahan ng kasong rape at act lasciviousness sa Bataan Provincial Prosecutor’s Office sa tulong ng Women’s and Children’s Desk ng PNP sa Samal, Bataan, kung saan naganap ang krimen.

Ang dalawang kaawa-awang magkapatid na biktima ay mga menor de edad palang nang maganap ang krimen at inabot ng ilang taon bago nakapagsabi ang mga ito sa kanilang ina. Ayon sa kuwento sa amin ng ina ng mga biktima, sinabi raw ng kanyang dalawang anak na nangyari ang krimen sa tuwing sila ay magbabakasyon sa Bataan noong sila ay mga bata pa.

Naunang nagsabi ang panganay na anak at nadiskubre niya na pati pala ang kasunod nito ay biktima ng pang-aabuso ng kanyang bayaw. Ayon sa ina ng dalawang biktima, parang sasabog ang kanyang dibdib ng marinig niya ang kwento ng pang-aabuso sa dalawang anak na babae at hindi raw nila ito matanggap dahil kadugo pa nila ang may gawa nito.

At sa ilang beses na pagbalik-balik namin sa lalawigan ng Bataan upang masampahan ng kaukulang kaso ang suspek, ay nalaman namin na may naging epekto sa pag-iisip ng panganay na biktima ang sinapit nito sa kamay ng tiyuhin.

Naghihintay na lamang mga ito sa pagsisimula ng paglilitis ng mga kasong isinampa korte at abangan ang kabuuan ng kuwentong ito sa aming YouTube channel (patricktulfoofficial) at FB page na Rapido Ni Patrick Tulfo sa darating na mga araw.

Samantala, binabantayan din namin ang rape case na aming tinulungang isampa laban sa ama ng biktima sa Makati City Prosecutors Office. Ang biktima ay menor de edad din nang mangyari ang krimen.

Ayon sa kuwento nito, nangyayari ang panghahalay sa kanya ng ama sa tuwing wala ang ina sa kanilang bahay sa Makati at sa Nueva Ecija. Ayon sa resulta ng medico legal examination na ginawa ng SOCO sa NCRPO sa Taguig, positibo ngang ginahasa ang biktima na tugma sa salaysay nito sa amin.

Ang tiyahin ng biktima na siyang nag-aalaga na dito, ang lumapit sa amin upang matulungang masampahan ng kaso ang kanyang bayaw, wala aniyang ginawa ang kanyang kapatid kahit pa nalaman na nito ang mga pangyayari.

Abangan din ang kabuuan ng istoryang ito sa aming YouTube channel at FB page sa darating na mga araw.

29

Related posts

Leave a Comment