MGA MIDWIFE UMALMA NA SA PANGGIGIPIT NG DOH

PUNA Ni Joel Amongo

“HINDI kami kaaway ng gobyerno, kundi partner kami sa pangangalaga ng mga nanay sa ating bansa.”

Ito ang nagkakaisang pahayag ng The Integrated Midwife Association of the Philippines (IMAP) at IMAP NCR Private Practicing Midwives sa isinagawang ‘IMAP Dialogue with the Press’ sa isang restaurant sa Quezon City noong Pebrero 9, 2023.

Tahasang inirereklamo ng mga midwife ang Department Circular at Administrative Order na inilalabas ng Department of Health (DOH) na nagpapahirap sa kanila.

Kabilang sa mga ito ang Department Circular No. 2021-0005 na inilabas noong Enero 04, 2021 na nilagdaan ni Myrna Cabotaje, MD, MPH, CESO II, DOH Undersecretary for Public Health Services Team.

Nakapaloob sa Department Circular na ang mga midwife ay hindi maaaring magpaanak sa mga nanay na nasa ilalim ng GI at G5.

Ang tinutukoy na GI ay ang buntis na babae na panganay ang isisilang.

Nasa “high risk” daw kasi ang babae na nagbubuntis ng panganay.

Samantala ang G5 ay tumutukoy sa babae na buntis ng pang-limang anak niya na maituturing ding high risk.

Maaaring paanakin lang daw ng mga midwife ay ang “low risk” na tumutukoy naman sa pagbubuntis ng babae sa kanyang pangalawa hanggang pang-apat na anak.

Ayon pa sa mga midwife, hindi naman lahat ng panganganak ng panganay at pang-lima ay nasa high risk, karamihan pa nga sa mga ito ay nasa normal delivery.

Hindi rin porke’t pangalawa at pang-apat na anak ay hindi high risk.

Inirereklamo rin ng mga midwife ang kaliwa’t kanang penalties o bayarin na ipinapataw sa kanila ng DOH.

Tulad halimbawa ang ipinagpipilitan sa kanilang mga may clinic/lying-in na kailangan nilang makipag-MOA sa may ambulansya na accredited ng DOH.

Kahit hindi nila nagagamit ang ambulansya ay sapilitan nila itong binabayaran.

Bukod sa binabayaran ng may-ari ng mga clinic/lying-in ang ambulansya ay binabayaran din ito ng P5k hanggang P12k ng kanilang mga pasyente na nagpapahatid sa mga ospital.

Ayon pa kay Patricia Gomez, Executive Director ng The Integrated Midwife Association of the Philippines (IMAP), imbes na makatitipid sila at kanilang mga pasyente sa mga kanayunan sa pagrerenta ng tricycle o iba pang pribadong sasakyan para sa pagdala sa mga ospital, ay pinagkakakitaan pa sila ng mga may-ari ng mga ambulansya na accredited ng DOH.

Binanggit din ni Gomez ang mga bayarin pa sa business permit sa Local Government Unit (LGU), sanitary at mayroon pa silang binabayaran sa Laguna Lake Development Authority (LLDA).

“Parang gusto na nila kaming patayin sa dami ng mga bayarin na ipinapataw nila sa amin,” banggit pa ng nagkakaisang mga midwife na dumalo sa press conference.

Kaya marami na sa kanila na may mga clinic/lying-in ang nagsipagsara dahil sa panggigipit sa kanila ng DOH.

Inirereklamo rin nila ang mga kinatawan ng DOH na nagsasagawa ng inspection sa kanilang mga clinic/lying-in na ang ginagawa anila ay kalkal dito, kalkal doon sa kanilang mga gamit na tila walang pakialam sa may-ari.

Nakaranas din sila ng pang-aapi nitong kasagsagan ng COVID-19 pandemic dahil hindi sila pinapasok sa mga grocery at malls dahil hindi sila isinama ng DOH sa listahan ng health workers bilang mga frontliner.

oOo

Para suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

57

Related posts

Leave a Comment