MGA NAGREREKLAMO LABAN SA ALLWIN, GALIT

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

PATULOY naming binabantayan ang ginagawang ­paglalabas ng Bureau of Customs sa containers na inabandona ng mga cargo company.

Sa huling panayam namin kay BOC Dir. Michael Fermin, nabanggit nito na isusunod na ang labing-anim na Allwin ­Cargo containers na ­matagumpay na naisubasta (auction) nitong mga nakaraang linggo.

Ang problema lang ay noong tinatawagan namin si Dir. Fermin ngayong linggong ito ay hindi na namin makontak ang telepono nito. Napag-alaman namin na ito pala ay nasa ­Brussels, Belgium upang ­dumalo sa isang conference, dapat ay nagtalaga si BOC Commissioner Yogi Ruiz ng kapalit nito upang magbigay ng update sa amin habang wala si Fermin.

Ang dami kasing mga ­kababayan natin sa UAE ang lumapit sa aming programa ukol sa problemang ito at ­palagi silang nag-aabang ng mga ­panibagong update ukol sa kanilang mga padala. Nais din sana nating ipaabot sa BOC ang mga problemang inilapit sa atin ukol sa releasing ng ­kanilang balikbayan boxes.

Una na rito, ang ­katanungan ng recipients ng mga padala na nasa ­malalayong lugar tulad ng Visayas at Mindanao, dahil ayon sa ­ilang mga nagreklamo sa amin, nakatanggap na sila ng abiso mula sa BOC na pwede nang kunin ang kanilang padala sa Portnet sa Sta. Ana, Manila.

Hindi raw malinaw ang sagot ng mga nakausap nila ukol sa kanilang katanungan kung pwedeng ipadala na lang sa kanilang mga ­probinsya ang kanilang mga kahon at ­babayaran na lang daw nila ito. Ang gusto raw yata ng Customs ay personal nilang kunin ang kanilang mga padala.

Hindi rin naging maganda ang reaksyon ng Allwin ­complainants sa huling panayam namin kay Dir. Fermin kung saan sinabi nito na tumawag ang isang representative ng naturang cargo consolidator at nag-alok na tutulong sila sa pagtawag sa recipients ng mga padala.

Tahasang sinabi ng mga biktima ng Allwin na hindi dapat tanggapin ng Customs ang alok na ito ng Allwin dahil sila mismo ang dahilan ng problemang ito. Ayon pa sa ilan, ano naman daw ang kapalit ng alok na tulong ng Allwin sa Bureau of Customs? Ang hindi na pagsasampa ng reklamo dito?

Inaasahan ng mga naperwisyo ng Allwin, CMG at maging ng Kabayan Island Express Cargo, ang pagsasampa ng mga kaukulang reklamo sa mga nasa likod nito dahil sa perwisyong kanilang dinanas sa pag-aabandonang ginawa ng mga ito sa kanilang mga padala.

77

Related posts

Leave a Comment