MGA NEGOSYO SAPUL SA PABAGO-BAGONG QUARANTINE PROTOCOL

0

UMAARAY na ang mga negosyante sa pabago-bagong quarantine protocol na ipinatutupad ng gobyerno.

Ayon sa mga negosyante, masyado na silang lugi at karamihan sa kanila ay nagsipagsara na ng kanilang mga negosyo.

Umasa sila nitong pagpasok ng Setyembre 8 ay ibababa na sa ­General Community Quarantine (GCQ) mula sa dating Modified Enhanced Community Quar­antine (MECQ) ang Metro Manila.

Sa halip na maging GCQ na ang Metro Manila ay nanatili itong MECQ hanggang Setyembre 15. Dahilan daw ang 158,000 kataong aktibo sa COVID-19 sa Metro Manila dulot ng Delta variant.

Pangunahing apektado ng MECQ ay ang mga restaurant dahil hindi pa rin pinapayagan ang dine-in sa halip ay take-out lamang. Apektado rin nito ang mga negosyo na tulad ng fun houses, salon and spa, parlor at maraming iba pa.

Binatikos din ng mga negosyante ang pabago-bagong patakaran ng gobyerno partikular ang Inter-Agency Task Force (IATF).

Maging ang grupo ni Joey Concepcion, Presidential Adviser for Entrepreneur ay may rekomendasyon na magkaroon ng tinatawag na “Bakuna Bubble”.

Sa kanilang isinagawang virtual meeting kamakailan na sinamahan ng mga kinatawan at mga opisyal ng malalaking establisyemento sa Metro Manila ay nagkaisa silang magkaroon ng “Bakuna Bubble”.

Sa ilalim ng “Bakuna Bubble,” lahat ng mga tao na bakunado na ay hindi lilimitahan ang paglabas dahil sila ang magiging kustomer ng mga establisyementong nakabukas.

Basta susunod lamang sila sa minimum health ­standards tulad ng pagsusuot ng face shield, face mask at pagsunod sa physical distancing.

Sabi pa ng grupo, kung aaprubahan sana ng IATF ang kanilang rekomendasyon sa “Bakuna Bubble” ay makatutulong ito sa unti-unting pagbangon ng ekonomiya ng bansa.

Sa pinakahuling nakuhang info ng PUNA, wala pang tugon ang IATF sa kahilingan ng mga negos­yante.

Batay sa nakuhang impormasyon ng PUNA, mahigit na sa 50% ang nabakunahan na sa mga residente ng NCR. Sa madaling salita, may herd immunity na ang 50% ng populasyon sa NCR.

Malaking bagay sana ito sa populasyon sa Metro Manila na tatangkilik sa mga establisyementong bukas.

Base sa pag-aaral ng mga eksperto, bagama’t maaaring mahawaan pa rin ng COVID-19 ang mga bakunado na, subalit hindi na ito hahantong sa malala na maaaring ikamatay nila, hindi katulad nang walang bakuna na hukay ang naghihintay sa kanila.

Kaya dismayado ang mga negosyante sa deklarasyon ng gobyerno na hindi na tuloy ang pagpapatupad ng GCQ sa NCR. Sa halip ay mananatili ito sa MECQ hanggang Setyembre 15.

Magbabago lamang ito depende sa rekomendasyon ng bumubuo ng IATF.

Marami rin sa mga negosyante ang nakausap ng PUNA na nagsabing sana pakinggan daw sila ng IATF.

Sila raw kasi ang nakararamdam ng hirap mula sa ibaba, lalo na’t walang makain ang kanilang mga empleyado dahil sa epekto ng pabago-bagong patakaran sa ­quarantine. Kaya pakiusap nila sa IATF ay ikunsidera ang kanilang rekomendasyon.

Napakahirap ng ­sitwasyon ngayon dahil hindi natin nakikita ang ating kalabang virus. Laging nakatapak sa hukay ang kabila nating paa, ano mang oras ay maaari tayong madale ng COVID-19.

Kaya suhestiyon ng PUNA sa IATF ay huwag padalos-dalos sa mga desisyon. Lagi nilang bigyan ng halaga ang buhay ng bawat Pinoy.

Ang pera ay madaling kitain, ‘pag ang buhay ang nawala sa atin ay wala na ring silbi ang lahat ng ating mga naipundar.

Matatapos din ang krisis na ito sa tulong ng ating Poong May Kapal, ‘wag natin kalimutan na magdasal sa kanya.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment