MGA PANGAKO SA IKAAPAT NA SONA NI PANGULONG DUTERTE, INAABANGAN

Sa Ganang Akin

Ngayong araw nakatakdang ganapin ang ikaapat na SONA (State of the Nation Address) ni Pangulong Rodrigo Duterte. Tiyak na nakaabang ang buong bansa dahil ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, ang ikaapat na SONA raw ng pangulo ay tungkol sa mga bagong pangako nito at sa kanyang mga nagawa sa loob ng kanyang unang tatlong taon ng panunungkulan. Aasahan ding ipahahayag niya kung ano pa ang mga maaari nating asahan mula sa kanyang administrasyon sa natitirang tatlong taon ng kanyang pamumuno.

Naitala ang pinakamataas na rating ng pangulo mula sa publiko ayon sa resulta ng survey na isinagawa ng Pulse Asia. Sa resulta ng survey lumabas na 85% ng mga Filipino ay nagtitiwala kay Pangulong Duterte.

Hindi kataka-takang mataas ang rating na nakuha ng pangulo mula sa publiko dahil napakaraming mga programa ang naipatupad niya. Isang halimbawa rito ay ang libreng edukasyon sa kolehiyo para sa mga kababayan nating kapus-palad. Naipasa rin ang batas ukol sa Universal Health Care na siyang malaking tulong sa masa. Gaya ng edukasyon, isang importanteng bahagi rin ng tagumpay ng isang bansa ang pagkakaroon ng plataporma para sa pangangalaga ng kalusugan. Ang pagkakaroon ng maraming aktibong mamamayan ay nangangahulugan na mas maraming kapaki-pakinabang na miyembro ng lipunan.

Dinoble rin ni Pangulong Duterte ang suweldo ng mga pulis at mga sundalo at nangakong gagawin din ito para sa pampublikong mga guro. Ang desisyong ito ng pangulo ay hindi lamang kahanga-hanga kundi kabilib-bilib din dahil sa ito ay maituturing na matalino at pantaktikang desisyon. Binibigyan ni Pangulong Duterte ng kompiyansa at prebilehiyo ang mga Filipino.

Upang matugunan naman ang mga alalahanin ng mga lokal at internasyonal na kapitalista, itinulak ng administrasyong Duterte ang “Ease of Doing Business Act”, na nagtatanggal ng napakaraming rekisitos sa proseso upang mas maging mabilis ang pag-andar ng programang “Build, Build, Build” ng gobyerno.

Malinaw na tuluy-tuloy ang mahusay na pamumuno ng pangulo at tila walang makapipigil sa kanya sa pagpapatupad ng kanyang mga nakahanay na reporma. Hindi nakaaapekto ang mga kritiko maging ang mga nasa ibang bansa sa kanyang pamumuno bilang pangulo ng Pilipinas. Abangan natin at pakinggan ang kanyang mga ipapangako sa darating na ikaapat na SONA. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

169

Related posts

Leave a Comment