MICP PORT COLLECTOR ROMEO ROSALES MALAKI ANG PAPEL SA ISYU NG ABANDONADONG CONTAINERS

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

AYON sa isang mapagkakatiwalaang source, inilipat na pala ng pwesto si Manila International Container Port District Collector Romeo Rosales. Malaki po ang papel na ginampanan ni Boss Romeo sa paglabas ng containers na inabandona ng iba’t ibang cargo consolidators mula sa Dubai, bago pa man namin nahawakan ang problema na inilapit sa amin ng ating mga kababayang nagtatrabaho sa UAE.

Sa pinakaunang pagkikita namin nina BOC District Collector Rosales sa kanyang opisina sa MICP sa Tondo noong ­Hulyo, ikinuwento nito sa amin na nagsimula ang problema ng pag-aabandona ng containers mula sa Middle East noong nagsimula ang pandemya. At hindi ang Allwin Cargo ang pasimuno nito, bagkus binanggit niya ang pangalan ng isa pang cargo company na CMG na naging subject din ng reklamo sa amin kinalaunan. Ayon kay District Collector Rosales, tinulungan nila ang CMG na mailabas ang mga kargamento nila at maihatid sa recipients nito, sa pamamagitan ng tulong ng DDCAP (Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines), subalit tila nahirati raw itong CMG at inulit na naman ang pag-aabandona ng containers na ipinasok nila sa bansa. Ayon kay Collector Rosales, nasa 25 containers (CMG at Allwin) ang nasa compound ng MICP nang kami ay nagsimulang magtanong sa Bureau of Customs ukol sa isyu ng abandonadong containers ng Allwin.

Hindi pa kasama rito ang tatlong Kabayan Island Express Cargo containers na inabandona rin ng consolidator nito, halos isang taon na ang nakararaan. At tulad ng CMG at Allwin, nalaman namin ito nang dagsain na kami ng mga reklamo ukol sa problema matapos na ilabas namin ang problema ng Allwin Cargo.

Ayon kay Customs Collector Rosales, ang pag-aabandona raw ng containers ay nangyayari kapag hindi inasikaso ng broker ng mga nagpadala nito ang mga papel at mga bayarin ng containers sa loob ng dalawang linggo. Kapag lumagpas daw sa palugit na itinakda nila magiging araw-araw na ang “storage fee” na dapat bayaran ng mga nagpadala nito. Kaya raw sinabihan niya ang cargo consolidators na ito na kung maaari ay mailabas na kaagad ang mga kargamento nila upang hindi na lumaki pa ang mga bayarin.

Sa aming pakikipag-usap kay Collector Rosales, nagtataka raw sila sa BOC kung bakit umaabot sa pag-aabandona ng containers ang mga padala mula sa DUBAI samantalang bayad naman ng ating mga kababayan na nagpapadala sa mga ito bago pa man maisakay sa barko papunta sa Pilipinas.

Ang paliwanag daw na kanilang natanggap mula sa mga kumpanyang CMG at Allwin, ay apektado daw sila ng pandemic kaya nalulugi sila.

Nasa 34 taon na sa BOC itong si Collector Rosales at isang career official ng Bureau of Customs, na nagsimula sa pagiging Customs Examiner, bago nito narating ang kanyang posisyon bilang Port Collector.

263

Related posts

Leave a Comment