PUNA ni Joel Amongo
KAYA pala ganoon na lang ang pagmamatigas ni Makati City Mayor Abby Binay na hindi kilalanin ang kautusan ng Korte Suprema ukol sa final and executory decision na ang Bonifacio Global City (BGC) at 10 barangay ay nasa hurisdiksyon ng Taguig City, dahil ang ililipat na mga barangay ay balwarte ng kanyang asawa na si Makati 2nd District Rep. Luis Jose Campos Jr.
Ang sakop ng ika-2 distrito ng Makati City kung saan kinatawan si Campos, ay 13 barangay, kabilang dito ang Cembo, Comembo, East Rembo, Guadalupe Nuevo, Guadalupe Viejo, Pembo, Pinagkaisahan, Pitogo, Post Proper Northside, Post Proper Southside, Rizal, South Cembo at West Rembo.
Sa nabanggit na 13 barangay, 10 dito ang iniutos ng Korte Suprema na ilipat sa hurisdiksyon ng Taguig City, kasama dito ang Cembo, Comembo, East Rembo, Pembo, Pitogo, Post Proper Northside, Post Proper Southside, Rizal, South Cembo at West Rembo.
Sa pagdedesisyon sa territorial dispute, sinabi ng Supreme Court sa 36 pahinang desisyon nito, na “best interest” ng constituents ang isinaalang-alang nito.
“It would thus be an abdication of our duty if we would not look into all facets of the present dispute in coming up with a judicious adjudication of Makati and Taguig conflicting factual claims. We have to resolve, with finality, the territorial dispute that has gripped both cities for decades, bearing in mind the best interest of the constituents of the affected government units,” nakasaad sa desisyon ng SC.
Malinaw na hindi interes ng mga Binay ang ikinonsidera ng Supreme Court kaya hindi dapat magmatigasan si Mayor Binay na hindi sundin ang kautusan.
Nakalulungkot na isinasangkalan ni Mayor Binay ang mga benepisyong nakukuha ng mga residente sa Makati para tutulan din ng mga residente ang nakatakdang paglipat sa Taguig.
Ipinalabas pa ni Mayor Binay na hindi pa tapos ang laban sa dispute dahil mayroong itinakdang oral argument ang SC para sa kaso ng Taguig at Makati na ang katotohanan ay wala, malinaw nang itinaggi ni SC Spokesman Atty. Brian Keith Hosaka na may ganitong ipinalabas na kautusan ang kataas-taasang hukuman.
Isa na namang pagsisinungaling ito sa panig ng mga Binay.
Sana po ay huwag na natin linlangin ang mga residente ng Makati. Tila maging ang SC ay ginagamit sa propaganda.
Kapag ang Supreme Court ay nag-isyu ng final ruling “it becomes the law of the land”- nagiging batas na kailangang sundin ng kahit sino. Ang hindi sumunod dito ay maaaring kasuhan ng ‘contempt of court’ na may karampatang parusa na multa at pagkakakulong.
Ang aksyon ni Mayor Binay na paulit-ulit na pagsasabing tuloy ang laban ng Makati sa territorial dispute sa kabila na mayroon nang final and executory ruling ang SC, ay malinaw na paglabag sa batas, dahil sa ginagawa ng alkalde ay maaaring mawala sa kanya ang support at “public trust” na siyang mahalaga sa isang opisyal ng pamahalaan.
Lubhang mahalaga na ang lahat ng public official ay sumusunod sa batas at iginagalang ang desisyon ng judicial system.
Ang 30-taong territorial dispute ng Makati at Taguig ay tinuldukan na ng SC at itinakda na ang kinukuwestiyong teritoryo ay nasa legal na hurisdiksyon ng Taguig base na rin sa historical evidence, cadastral survey at contemporaneous acts of lawful authorities o mga pangyayari noong nakaraan.
Sinabi ni SC Spokesman Hosaka na nagkaroon na ng Entry of Judgement sa Civil case No 63896 kung saan anomang tangka ng Makati City na buhayin ang territorial dispute sa pamamagitan ng paghahain ng anomang pleadings, letters, motion o anomang komunikasyon kaugnay sa kaso, ay hindi na tatanggapin pa ng Korte Suprema.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
