PUNA ni JOEL AMONGO
MAINIT na usapin ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbuwag o paglusaw sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa isinagawang pagdinig sa Kamara kamakailan ay nagisa sina MMDA chairman Atty. Don Artes, General Manager Procopio “Popoy” Lipana, at MMDA Special Task Force Operations chief Edison “Bong” Nebrija hinggil sa kanilang isinasagawang clearing operation sa iba’t ibang siyudad sa Metro Manila na walang pasintabi sa mga mayor.
Ayon kay Cong. Bonifacio Bosita ng 1-Rider Party-list, tila walang respeto ang MMDA sa local chief executives (mayors) sa Metro Manila sa kanilang isinasagawang clearing operations.
Kahit na may pahintulot ng lokal na pamahalaan ang pagparada ng isang sasakyan ay hinuhuli pa rin ng MMDA Task Force na pinamumunuan ni Nebrija.
Lagi ring sinasabi ni Nebrija na kung may reklamo ang motorista sa kanilang ginagawang panghuhuli ay i-contest lamang ang ticket na kanilang inisyu.
Lumabas sa pagdinig ng Kamara na may insidente sa Maynila na ang hinuli ng MMDA sa kanilang clearing operation ay may kontrata sa LGU para pumarada sa parking area subalit hinuli pa rin ng Task Force at sinabi nilang i-contest ang kanilang ginawang paghuli.
Sa pangyayaring ito ay lalong lumakas ang plano ng Kamara na buwagin na lamang ang MMDA.
Ayon pa sa mga mambabatas, ang ginagawa ng mga tauhan ng MMDA ay ginagawa na rin ng mga LGU.
Bukod sa duplication ng trabaho ay dagdag gastos pa sa gobyerno ang ginagamit na pondo ng MMDA.
Ganun din sa mga traffic enforcer na bukod sa enforcer ng LGU ay mayroon pang traffic police at highway patrol group na nangangalaga ng trapiko sa Metro Manila.
May punto po ang mga mambabatas na buwagin na lamang ang MMDA dahil ang mga ginagawa nito ay duplication lamang sa mga ginagawa ng LGU at pulisya.
Hindi rin naman nila nareresolba ang matinding trapik sa Metro Manila at iba pa nilang gawain tulad ng problema sa basura.
Kaya pabor din ang PUNA na lusawin na lamang ang MMDA.
Gamitin na lamang sa ibang proyekto ng gobyerno ang pondong ginagamit ng MMDA sa mas may pakinabang ang taumbayan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell#0977-751-1840.
24