TARGET KA ni KA REX CAYANONG
KAPURI-PURI para sa House Committee on Labor and Employment ang memorandum of agreement (MOA) na nilagdaan sa pagitan ng Commission on Human Rights (CHR) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon sa komite, sa tulong ng MOA na ito, inaasahan na mas mapoprotektahan ang mahalagang karapatan ng mga manggagawa sa ating bansa.
Nag-ugat ang CHR-DOLE agreement mula sa isang high-level tripartite meeting na inorganisa ng International Labor Organization (ILO).
Layunin nga naman kasi ng gobyerno na patatagin ang pagsasagawa ng mga imbestigasyon sa mga isyu kaugnay ng pagtatrabaho, pagbibigay ng tama at legal na payo sa mga manggagawa, at pagbuo ng mga polisiya na layong makatulong sa kanilang kalagayan.
Ayon kay Rizal Rep. Fidel Nograles, chairman ng komite, ito ay magandang balita at kalugod-lugod sa panig ng gobyerno na tumututok sa mga pangangailangan ng mga manggagawa. “The MOA between the [CHR] and [DOLE] is a welcome development in government’s efforts to uphold workers’ rights. I hope that through this MOA we can make significant headway in ensuring that our workers are protected against abuse,” sabi ni Nograles.
Inaasahan niya na sa tulong ng agreement na ito, magkakaroon tayo ng malalimang pag-angat sa usapin ng pagpapalakas ng proteksyon laban sa pang-aabuso sa mga manggagawa. “This will require not only cracking down on employers with abusive practices, but also engaging with employers to discourage such abuses and stress that the protection of workers’ rights is ultimately to the benefit of the organization,” wika ng masipag na mambabatas.
Sa pahayag naman ni CHR Chairperson Richard Palpal-Latoc, ipinakikita ng kasunduan ang pangunahing layunin na itaguyod ang kalayaan ng asosasyon at karapatan na mag-organisa na isa sa mahahalagang mga aspeto sa pangangalaga ng karapatan ng mga manggagawa sa kanilang mga lugar ng trabaho o workplace.
Ibinandera naman ni Nograles ang pangangailangan na magkaroon ng mga mekanismo upang mas mapanatili ang proteksyon sa mga manggagawa laban sa mga mapang-abusong employer.
Mahalaga nga naman daw na masuri ang mga employer na may pang-aabusong gawi, pati na rin ang pakikipag-ugnayan sa kanila upang hadlangan ang mga pang-aabuso at maipakita na ang pangangalaga sa karapatan ng mga manggagawa ay kapaki-pakinabang sa kanilang organisasyon.
Sa huli, nagpahayag ng kumpiyansa si Nograles na maraming programa at hakbang na magkakaroon ng positibong epekto mula sa kasunduang ito sa pagitan ng CHR at DOLE.
Hindi maitatanggi na talagang ito ay isang hakbang patungo sa mas mabuting kalagayan para sa mga manggagawa at sa kanilang karapatan, at nagbibigay-daan din sa mas magandang kinabukasan para sa kanilang mga pamilya at para sa ating bansa.
141