KAALAMAN Ni Mike Rosario
SA P2.4 milyon hanggang P2.8 milyong halaga ng bawat unit ng modern jeepney ay hindi ito makakayang bayaran ng mga tsuper na kukuha nito.
Sa ganyang halaga, ang magiging subsidy ng gobyerno ay 8 – 10% lamang.
Ang 90-92% ay huhulugan monthly ng mga tsuper bukod pa sa babayaran sa LTO/LTFRB ang registration ng bawat unit.
Kung ikukumpara sa presyo ng traditional jeepney na may halagang P300,000 hanggang P600,000 lamang ay sobrang laki ng diperensya.
Kaya tuloy naisip natin, tulong ba talaga ito ng gobyerno sa mga tsuper o ginigisa nila sa sariling mantika ang mga drayber?
Mas pabor ito sa negosyante na gamagawa ng unit ng modern jeepney kaysa mga drayber na nangangailangan ng tulong.
Imbes na pagandahin na lamang ang traditional jeepney na may ambag sa kasaysayan ng bansa ay mas pinaboran pa ng gobyerno ang multinational company na gumagawa ng modern jeepney.
Ang mangyayari niyan kung ipagpipilitan ng gobyerno na palitan ng modern jeepney ang traditional jeepney, ay lalong malulubog sa kahirapan ang ating mga tsuper.
Maghahanapbuhay na lamang sila para sa pagbabayad ng modern jeepney, wala nang matitira para sa pangangailangan ng kani-kanilang mga pamilya.
Maging ang pag-aaral ng mga anak at iba pang gastusin ng pamilya ng mga tsuper ay apektado.
Lumalabas na imbes na tulong ang dulot ng jeepney modernization ay perwisyo pa sa kabuhayan ng mga tsuper.
Sa ganyang presyo ng bawat unit ng modern jeepney ay hindi ito makakayanang bayaran ng mga tsuper ng 5 hanggang 10 taon lamang.
Paano naman ang kanilang mga tirahan? Karamihan sa mga tsuper sa Metro Manila ay nagrerenta lamang ng bahay.
Hindi ito tulong sa mga tsuper, kundi negosyo sa kanila ang jeepney modernization.
