MODERNONG TEKNOLOHIYA PARA SA IKABUBUTI NG SISTEMANG PANGHUKUMAN

Sa Ganang Akin

Sa tingin ko ay nasa isip ng lahat na nangunguna ang Japan sa pag-develop at paggamit ng artificial intelligence (AI) upang punuan ang kanilang kakulangan sa manggagawa at gumamit ng mga robot upang gawin ang mga madadali at paulit-ulit na uri ng trabaho.

Pero alam ninyo ba na pati ang China, kahit na ba sila ang may pinakamalaking populasyon sa mundo, ay pumasok na rin sa eksena at gumagamit na rin ng AI upang ma-automate ang mga serbisyong legal sa ilang mga komunidad nito?

Nalaman ko lang din ito mula sa National President ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na si Atty. Domingo Egon Q. Cayosa, kung saan pinag-usapan nila ng pangulo ng International Association of Business Communicators (IABC) Philippines na si Belle Tiongco, ang nasabing teknolohiya sa isang online talk show ng Daily Tribune.

Sa nasabing online talk show, sinabi ni Atty. Cayosa na nais niyang tulungan ang mga lokal na abogado na mas mahasa at maging bihasa sa larangan ng pag-aabogasya. Ito ay sa pamamagitan ng paggamit ng mga makabagong teknolohiya, partikular na dito ang AI. Ikinuwento niya ang matagumpay na pag-implementa ng China ng paggamit ng automated legal services.

Ang isang mamamayan ng China na may pangangailangang legal ay kailangan lang pumunta sa kanilang government center at sa tulong ng isang makina na para lang isang automated teller machine ay madali at mabilis na makakakuha ng legal na konsultasyon o serbisyo mula rito.  Kailangan lang nilang i-type ang kanilang legal na pangangailangan sa machine kasama ang mga importanteng detalye. Matapos nito ang AI na ang magpo-proseso nito at magpi-presenta ng mga rekomendasyon o magiging resulta ng kaso gamit ang isang legal database.  Ang nasabing AI system ay maaari ring makagawa ng mga kontrata at iba pang mga legal na dokumento.

Ayon kay Atty. Cayosa, pumatok ang paggamit ng AI sa legal sector ng China dahil ito ay nakakapagbigay ng resultang tama sa mabilis at episyenteng paraan kumpara sa nakasanayang manu-manong paraan.  Pinatutunayan nitong automated legal machines ng China na ang mga industriya ng business communications at ang larangang legal ay tuluy-tuloy sa paghahanap ng mga makabagong paraan upang mapahusay at mas maging episyente ang proseso sa hangarin na makamit ang katotohanan at hustisya.

Marahil ay maaaring tingnan at pag-aralan ng ating gobyerno kung paano ang epektibong maimplementa rin sa bansa natin ang sistemang ginawa ng China para ma-automate ang kanilang mga serbisyong legal.  Mahalaga na laging maging maingat at maging propisyente sa mga tradisyonal na paraan sa kahit na anong larangan. Pero hindi maiiwasan at importante rin na tayo ay maka-develop at gumamit ng mga makabago at modernong pamamaraan na mas makakatulong na makapagserbisyo ng mas mabilis at episyente.

Napag-usapan din sa nasabing online talk show ng Daily Tribube na nagkasundo ang IABC at IBP sa iisang hangarin: ang maitaguyod, mapalaganap, at makagamit ng mga makabagong teknolohiya, inobasyon at social media sa larangan ng business communications at sistema ng batas sa ating bansa.

Napagkasunduan din namin doon na ang aming industriya ay dapat pangalagaan ang katotohanan. Ang mga nasa larangan ng media at ang mga abogado ay dapat siguruhin na gumamit ng mga tunay at totoong impormasyon lamang.  Katuwang ito ng aming paglaban sa fake news at pagsisiguro na ang impormasyong makakalap ng publiko ay pawang katotohanan lamang.

Ikinagagalak ng IABC ang pagtutulungang ito kasama ang IBP na maipahayag ang mga ito sa pamamagitan ng digital platform ng Daily Tribune at aming inaanyayahan ang aming mga miyembro na magsalita at madaling makapagbigay ng legal na impormasyon sa ating mga kababayan.

Sumasang-ayon ako sa sinabi ni Atty. Cayosa na hindi sapat na ang legal practice ay ginagawa sa loob ng korte lamang kung hindi ang mga abogado ay dapat masiguro na naiintindihan ng bawat mamamayan ang mga batas at ang mga karapatan nila sa ilalim nito. Katuwang ito sa adbokasiya ng IBP na “be seen and be heard.”

Ipagpapatuloy namin at ng IBP ang kasunduang ito upang maitulak ang kanilang adbokasiya sa paggabay sa mga abogado kung paano mas mapagpapabuti ang kanilang pakikipag-usap o pagpapakalap ng impormasyon para sa ikauunlad at ikabubuti ng buhay ng bawat Filipino. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

348

Related posts

Leave a Comment