CLICKBAIT ni JO BARLIZO
SERYOSO ba ang House Quad comm sa tunay na layunin ng kanilang imbestigasyon?
Kaliwa’t kanan ang ginagawang imbestigasyon ng Quad committee ng House of Representatives, na binubuo ng committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts pero may ilang mga nag-aalinlangan.
Nitong Nobyembre 7, inimbitahan ng Quadcom si Quezon City 5th District Congressional candidate Rose Nono-Lin para sa ilang pagtatanong hinggil sa bintang na sabit daw sa POGO (Philippine Offshore Gaming Operations) ang naturang negosyante.
Pero bakit hinayaan ng Quadcom na isalang si Rose Lin sa imbestigasyon at bigyan ng tyansang gisahin siya ng mga kalaban sa pulitika? Ayun, nakabwelo ang kalaban ni Rose Lin na si 5th district Congressman Patrick Michael (PM) Vargas na uriratin ang una.
Tama ba na ang may puwersa sa Kongreso na gumawa daw ng paraan na maimbitahan si Rose Lin sa Quadcom ay siya mismong magtatanong sa kalaban sa congressional race? Tuloy, pinagdududahan na nagagamit ang Quadcom ng ilang mambabatas para ilihis ang tunay na mga usapin na dapat nakatuon sa interes ng publiko.
Tila, nagiging imbalido raw ang tunay na gustong makamit. At tila nakakahon na rin ang gagawin kay Rose Lin sa pagsalang nito sa Quadcom dahil hinayaan si PM Vargas na magtanong sa kanya.
Hindi ba’t binatikos ng mga kongresista sina Senators Bato dela Rosa at Bong Go dahil nakisali sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa war on drugs gayung kasama sila sa mga pinagbibintangan nasa likod nito.
Kung hinahanapan n’yo ng delicadeza ang Senado dahil sa pag-epal nina Bato at Go sa imbestigasyon dapat ay ganundin ang pairalin n’yo. Sabi nga ‘Practice what you preach’.
Tinanong ni PM Vargas si Rose Lin kung ano ang best practice ng isang negosyante. Maging totoo lang at maging tama ang sagot ni Rose Lin.
Bakit hindi ba alam ni PM Vargas ang mga panuntunan sa pagnenegosyo? Parang may gustong arukin si PM Vargas, pero ano itong usap-usapan at tanong kung ano ang ugnayan ni PM Vargas at kapatid niyang si Councilor Alfred Vargas kay dating Bamban Mayor Alice Guo.
Sa mga kagalang-galang na mambabatas na namumuno sa Quadcom, kung may ganitong mga isyu baka dapat din imbestigahan at tanungin hinggil sa POGO ang kuya ng kasama ninyo.
Sabi nga ni Digong, hindi siya dadalo sa Quad comm kasi hindi naman talaga “in aid of legislation” ang pakay. Kaya hamon sa mga mambabatas ‘yan, patunayan n’yo na hindi magagamit ninoman sa inyo ang pagdinig para ibagsak ang kalaban sa pulitika.
88