MR. BONDAT NAGMAMALAKING ‘DI KAYANG IPATIGIL ANG KANYANG PASUGALAN

PUNA ni JOEL AMONGO

NAGMAMALAKI raw itong si alyas Mr. Bondat Booker na hindi raw kayang ipatigil ang kanyang pasugalan dahil naglalatag siya sa mga awtoridad kung saan sila nag-o-operate ng kanilang illegal gambling.

Nauna nang isinulat natin dito ang illegal aktibidad ni Mr. Bondat na bukod sa pagiging booker nito ay kolektor din siya ng illegal gambling.

Sinabing nakupo ni Mr. Bondat sa illegal gambling at pagiging kolektor nito sa malawak na lalawigan ng Pangasinan na kilalang lugar nina dating Pangulong Fidel Ramos, dating Speaker Jose De Venecia, dating Heneral Amado Espino at iba pang kilalang personalidad.

Maging ang Baguio City na pinamumunuan ngayon ng isang dating magaling na heneral ng Philippine National Police (PNP) at kasalukuyang Mayor Benjamin Magalong, ay nasakop na rin ni Mr. Bondat.

Abay! Magaling ngang maglatag itong si Mr. Bondat dahil ang Pangasinan at Baguio City ay pawang mga lugar ng mga magigiting na personalidad.

Kung sabagay, ang Pangasinan ay malapit lang sa Baguio City kaya minabuting pasukin na rin ng illegal na operasyon ni Mr. Bondat ang nasabing siyudad.

Kung nagyayabang itong si Mr. Bondat na ‘di kayang ipatigil ang kanilang illegal na pasugalan sa Pangasinan dahil may latag sila sa mga awtoridad sa lalawigan, alam kaya ito ng pamunuan ng Police Regional Office 1?

Kung hindi pa napapalitan, sa pagkakaalam ng PUNA, ang Police Regional Office 1 Director na nakasasakop sa Pangasinan ay si P/BGen. John Cayaban Chua.

Sa Baguio City naman ay si City Director P/Col. Francisco Bulyawan, Jr., na isang native Igorot.

Nagtataka lang ang PUNA, kung bakit namamayagpag si Mr. Bondat sa Baguio City na ang pagkakaalam natin ang mga native Igorot, na malinis ang mga pagkatao lalo na ang mga nasa gobyerno.

Hindi kaya nalulusutan si Col. Bulyawan ng kanyang mga tauhan dahil ipinagmamalaki ni Mr. Bondat na hindi kayang ipatigil ang kanilang pasugalan dahil may latag sila sa mga awtoridad? ‘Yun lang!

Kung sinasabing booker at kolektor itong si Mr. Bondat, kanino siyang kolektor ng mga awtoridad na nag-iikot sa mga pasugalan para sa protection money ng pulisya? O, kolektor siya ng samahan ng mga pasugalan na magbibigay ng pera sa mga awtoridad para hindi matigil ang kanilang operasyon?

Kaya pala binansagan siyang Mr. Bondat dahil sa kabusugan nito mula sa kanilang operasyon ng mga pasugalan sa nabanggit na mga lugar.

Namayat kasi siya nitong nakalipas na dalawang taon dahil sa matinding pananalasa ng COVID-19 kaya natigil ang kanilang operasyon.

Kaya ngayon humahataw na naman sila at patuloy ang pagpapalawak ng operasyon ng kanilang pasugalan.

Para sa nabanggit nating mga personalidad, maaari silang magbigay ng kanilang panig tungkol sa sinasabi ni Mr. Bondat.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, maaaring mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

162

Related posts

Leave a Comment