MULING NAGHAIN ANG MAKABAYAN NG TUNAY NA ANTI-ENDO BILL

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Sa kabila ng pag-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Anti-Endo Bill kamakailan, hindi nagpapagapi ang mga manggagawa at ang kanilang mga kinatawan sa Makabayang Koali­syon ng Mamamayan na maghangad ng tunay na batas na magtitiyak ng kaseguruhan sa paggawa.

Sa pangunguna ni Bayan Muna Party-list Representative Ferdie Gaite, inihain ang House Bill 3381 noong Lunes, ika-5 ng Agosto. Aniya, habang pinoprotektahan ni Pangulong Duterte ang kaseguruhan ng kapital, lumalaban ang Bayan Muna at ang Makabayan para sa kaseguruhan ng mga manggagawa sa paggawa. Laman ng panukalang batas ang pagbabawal sa labor-only contracting na hanggang sa kasalukuyan ay gawi ng mga kapita­lista upang makakamal ng pinakamalaking tubo sa pamamagitan ng pambabarat sa mga manggagawa.

Ayon sa datos na inilabas ng think-tank na Ibon Foundation, may 8.5 mil­yong manggagawang hindi regular sa mga pribadong kompanya, at 800,000 naman sa mga ahensya ng gobyerno. Ang construction, real estate, at manufactu­ring ang mga sektor na may pinakamalalaking bilang ng mga manggagawang kontraktwal.

Sabi ni Pangulong Duterte sa kanyang veto message, naghahanap umano siya ng “healthy balance” sa pagitan ng interes ng mga manggagawa at sa mga kapitalista. Tila manhid na siya sa mga hinaing ng mga manggagawa. Ang mga kontraktwal na manggagawa ay wala o katiting ang mga benepisyo, walang SSS o insu­rance, walang karapatan sa pag-uunyon, walang tsansa na ma-promote, may mas mataas na buwis, at target sa diskriminasyon dahil sa mas mababang status sa lugar ng paggawa.

Napakalaking disbalanse nito laban sa mga manggagawa, na dapat lamang na tugunan ng administrasyon Duterte, tulad ng kanyang pangako na tatapusin niya ang kontrak­twalisasyon sa loob ng isang linggo.

Hamon para sa kilusang paggawa at sa kanilang mga kinatawan sa loob ng Kongreso na ipagpatuloy ang laban upang wakasan ang Endo, lalo sa loob ng gobyernong taksil at mapanlinlang sa mga manggagawa. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

292

Related posts

Leave a Comment