NABABANSOT NA SAHOD

SA tuwing sumisipa ang presyo ng petrolyo at pangunahing bilihin sa merkado, karaniwang sigaw ng mga obrero ang umento sa kanilang kakarampot na sweldo.

Pero taliwas sa akala ng marami, hindi ganun ka-simple ang proseso ng pag-aangat sa antas ng sahod ng mga obrero.

Sa ilalim ng umiiral na sistema ng ­gobyerno, mandato ng Wages and Productivity Board (WPB) ng Department of Labor and Employment (DOLE) na pag-aralan at timbangin ang sitwasyon ng mga manggagawa, ang umiiral na presyo sa merkado, ang kakayahan ng mga pribadong negosyo, antas ng umento at ang epekto ng ano mang paggalaw sa sahod ng mga obrero.

Sa tagal ng proseso, halos hilahod na ang mga manggagagawa bago pa man maipatupad ang baryang umento.

Pag-amin ni Labor Sec. Bienvenido Laguesma, kailangan laging updated ang WPB sa lagay ng ekonomiya ng bawat isa sa 17 rehiyon.

Sa bawat pagsipa ng inflation rate, lumiliit ang kakayahan ng piso. Ang kapiranggot na buwanang sweldo, mas lalo pang nababansot.

Kung dati-rati’y nagagawa pang makapag-ulam ng ng karne, isang beses kada isang linggo ang mag-anak ng padre de pamilyang sumasahod ng minimum wage, malamang magdildil na lang muna ng asin.

Sa puntong ito, higit na kailangan ng pamahalaan (executive at legislative branches ng gobyerno), na bumalangkas ng mekanismong magbibigay daan sa awtomatikong wage ­increase batay sa rumerehistrong inflation rate.

Huwag kalimutan – ‘di na kailangan ang damo kung patay na ang kabayo.

35

Related posts

Leave a Comment