NABILOG BA TAYO NI MABILOG?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NANGAKO si dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog na sasagutin niya ang mga ibinabato sa kanya noong administrasyon ni Duterte.

Humanga ako sa kanya nang bumalik siya sa Pilipinas matapos ang ilang taong pananatili sa ibang bansa dahil nga sa pangako niya. Bilib na sana ako sa kanya, pero parang hanggang pangako lang ang nangyayari dahil imbes na klaruhin ang mga paratang sa kanya ay tila ang inaatupag niya ay ang ambisyong makabalik sa dating puwesto.

Mula nang humarap sa House Quad Committee ay tahimik na siya. Nag-iikot-ikot na lang daw ito sa Iloilo City na tila nangangampanya na.

Dapat unahin niyang patunayan na malinis siya at inosente sa mga akusasyong ipinupukol sa kanya bago siya mamulitika. May kaso pa siyang kinakaharap sa korte.

Teka, pwede ba siyang tumakbo sa halalan sa susunod na taon? ‘Di ba, sabi ng dating councilor ng Iloilo City na si Plaridel Nava, pinatawan na ng Office of the Ombudsman si Mabilog ng perpetual disqualification na ibig sabihin ay hindi na pwedeng tumakbo o humawak ng posisyon sa gobyerno. Ito raw ay bunsod ng pakikialam niya sa awarding ng kontrata para sa towing service kung saan mayroon siyang interes.

Nang siya ay humaharap sa Quad Comm at sinabing pulitika ang dahilan kaya siya sinama sa narco-list ni Duterte ay binutata siya ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa. Ang totoo raw, talamak ang ilegal na droga sa Iloilo City noong panahon ni Mabilog kaya siya isinama sa narco-list.

Tama nga si Bato na kung pulitika lang ang dahilan, sana ay isinama ni Duterte sa narco-list ang maraming lokal na opisyal sa bansa na hindi sumuporta sa kanyang kandidatura noong 2016.

Totoo bang may kinalaman si Mabilog sa ilegal na droga? Malalaman natin dahil magsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Department of Justice (DOJ) kung totoong protektor nga siya ng drug lord.

Kaya, unahin niya muna ang mga kinakaharap na problema, hindi ang ambisyon sa pulitika.

Kaya pa ba niyang mabilog ang ulo ng mga Ilonggo? Mauuto ba niya ang mga Ilonggo, na mas gusto ang lider na handa silang ipaglaban anomang oras at kondisyon?

70

Related posts

Leave a Comment