NADARAGDAGAN PA ANG DENGVAXIA VICTIMS, ANO NA SEC. DUQUE?

EARLY WARNING

Base sa latest record ng Public Attorney’s Office (PAO) sa pamumuno ng napakasipag na hepe nito na si Chief Persida Rueda-Acosta ay nadagdagan pa ng tatlo mula sa 136 na bilang ang Dengvaxia victims at inaasahang lolobo pa ito pero lumalabas, walang pakialam itong si Health Secretary Francisco Duque III!

Sadyang mahahabag at ‘di maiwasang ngumilid ang iyong luha at naramdaman ko ito mismo ng aking makadaupang-palad ang mga magulang at kamag-anak ng maraming bata na naging biktima ng ‘deadly’ na bakuna sa PAO office kung saan kanilang isinisigaw ang agarang pagri-resign sa puwesto ni Duque na anila’y walang tunay na pagmamalasakit sa kanila.

Giit ni Chief Acosta na dapat ay ilabas na sa publiko ni Duque ang tunay na masterlist ng mga batang naturukan ng Dengvaxia dahil mahalagang ma-monitor ang kalagayan nila. May itinatago.

Gaano kaya kalakas itong si Duque kay Pangulong Duterte dahil sa kabila ng kontrobersya ay patuloy itong kukuya-kuyakoy sa p’westo?

Tila nakaiinsulto lalo sa mga kamag-anak ng mga biktima sa pagiging consistent nitong sina dating Health Secretary Janette Garin at Duque na hindi raw nakamamatay ang nasabing bakuna, taliwas sa mara­ming forensic examinations ng PAO na ang mahigit 100 mga namatay na isinailalim sa autopsy ay pare-pareho ang naging sintomas ng pagkamatay at lahat ito ay konektado sa ‘deadly’ vaccine.

Lumalabas na aabot pa hanggang 20 taon na kailangang maobserbahan ang kondisyon ng Dengvaxia victims kung magkakaroon ng tuluyang negatibong epekto o maaalpasan ang peligro at eto ay base mismo sa pag-aaral ng mga dalubhasa.

Ang masakit dito ay ma­rami sa mga magulang ay hindi naimpormahan kung kaya’t wala silang kaalam-alam na Dengvaxia victims pala ang kanilang mga anak! At ang mas lalong masakit ay ang kawalan ng malasakit at tamang medical attention na dapat ay ibinibigay ng DOH at itong si Duque.

Malakas at matibay na masasabi itong si Duque dahil tila may mahika o karisma s’yang dala para sa mga doktor at hospital, maging publiko o pribado man, dahil iisa lang ang kanilang sagot kapag may dinala sa kanilang mga batang naturukan, sa kanila walang koneksyon ang Dengvaxia! (Early Warning / ARLIE O. CALALO)

143

Related posts

Leave a Comment