NAG-UUSAP BA KAYO SA WPS ISSUE?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MARAMING Pinoy ang dismayado kay Executive Secretary Lucas Bersamin nang sabihin nito na misunderstanding at aksidente lang ang insidente sa Ayungin Shoal nang sugurin ng mga piratang Tsekwa ang tropa ng Philippine Navy (PN) na naging dahilan ng pagkaputol ng hinlalaki ng isa sa 8 na labis na nasaktan.

Siguro naman ay napanood ni Bersamin ang insidente nang palibutan ng mga Chinese Coast Guard na armado ng itak at palakol ang tropa ng Pilipinas kaya hindi ko alam kung bakit ang isang dating Associate Justice ng Korte Suprema ay ganito ang pagtingin?

Ano pa bang ebidensya ang gustong makita ni Bersamin para makumbinsi ito na hindi aksidente at hindi misunderstanding ang nangyari? Palagay ko naman magaling na Mahistrado ang matandang ito.

Buti na lang at agad na nilinaw ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na hindi misunderstanding at hindi aksidente ang nangyari kundi sinadya ng China para urutin ang tropa ng Pilipinas na lumaban sa kanila para magkaroon sila ng dahilan na i-take-over ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Mukhang may sariling interpretasyon si Bersamin at hindi nito kinokonsulta ang security officials bago ito magsalita lalo na’t seguridad at soberanya ng Pilipinas ang nakataya sa usaping ito.

Walang ibang natuwa sa ginawa ni Bersamin kundi ang China dahil lumalabas na sila pa ang bida at ang mga Pinoy Navies ang kontrabida, kaya sana kapag nagsalita ang sinomang opisyal ng gobyerno ay dapat mag-usap-usap muna sila.

Lumalabas kasi na may kanya-kanyang interpretasyon ang mga bata ni Junior pagdating sa usapin ng WPS, na pilit na kinukuha ng China sa Pilipinas dahil sa nakadepositong langis at gaas sa karagatang ito.

Meron nang group chat sa iba’t ibang social media platform tulad ng viber, messenger, at sa palagay ko naman ay merong ganito ang mga opisyales ng gobyerno kaya papaanong naiba ang pananaw ni Bersamin sa security at defense officials.

Ang nakalulungkot pa, maraming trolls ng China ang kumampi pa kay Bersamin at pinalalabas na tayo pa ang nang-uurot sa mga Tsekwa para magkagiyera imbes na magkaisa para sa kapakanan ng bansa.

Etong mga troll na ito ay mga dati at kasalukuyang opisyales ng gobyerno na kakampi ng China. Palagay niyo tatanggapin kayo ni Xi Jinping kung sakaling sumiklab ang giyera sa pagitan ng dalawang bansa? Hindi!

Dahil kung nagawa n’yong ipagkanulo ang sarili n’yong bansa papaanong hindi niyo ipagkakanulo ang China sakaling ampunin nila kayo para makaiwas kayo sa mga bala at bombang pasasabugin nila kapag nagkagiyera?

Hindi naman tanga ang China lalo na si Xi Jinping na gustong maghari sa buong mundo. Kung ang kanilang mga sariling opisyales na pinaghihinalaan nilang hindi sumusunod sa kagustuhan ng Communist Party ay isinasakripisyo, kayo pa kaya?

Sabi nga ni Julius Caesar, “I love treason but I hate traitor”.

46

Related posts

Leave a Comment