DPA ni BERNARD TAGUINOD
ANG ingay ngayon sa Pilipinas dahil sa pagbabardagulan ng pamilyang Marcos at Duterte kasama ang kanilang supporters. Nagbabastusan, nagsisiraan, naghahamunan, na wala namang maitutulong sa bayan.
Wala akong kinakampihan sa dalawang pamilyang ito dahil hindi ko naman sila ibinoto noong sila ay tumatakbo pero dahil isa lang ang boto ko ay hindi nanaig ang gusto ko. Ganyan talaga ang demokrasya.
Pero apektado ako at ang mas nakararaming Filipino. Tandaan n’yo ha, 16 milyon lang ang bumoto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 presidential election, at 31 milyon naman ang nabudol ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., noong 2022 presidential election.
Ang populasyon ng Pilipinas noong 2016 ay 104.6 million pero ang bumoto kay Digong ay 16 million habang noong 2022 ay 115.6 million pero ang bumoto lang kay Junior ay 31 million, kaya mas marami ang apektado kung inutil sila sa pagpapatakbo ng gobyerno.
Dagdag pa ang kanilang kainutilan sa pulitika, eh talagang walang mangyayari sa ating bansa tulad ng mga nangyayari ngayon na nagbabardagulan sila imbes na magtulungan para resolbahin ang mga problema ng bansa.
Dahil sa kanilang away, mukhang hindi na napansin ang pangunahing mga problema ng mas nakararaming Pinoy tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kawalan ng trabaho, mababang sahod, pagsasamantala ng mga employer sa mga empleyado, mahinang piso kontra dolyar na malapit sa sikmura ng mamamayan.
Patuloy ang pagtaas ng farm inputs o gastos ng mga magsasaka sa pagtatanim para may makain ang mamamayan, patuloy ang smuggling, patuloy ang land conversion, patuloy ang pagtaas ng tuition fees at lalong naghihirap ang mga tao dahil sa mga kalamidad.
Walang nagsasabi sa kanila kung papaano resolbahin ang mga problemang ito dahil mas iniintindi nila ang kanilang personal survival. Walang kaugnayan sa bayan ang kanilang bangayan.
Nagkakalimutan na rin sa isyu ng corruption. Hindi na napag-uusapan ang hinokus-pokus na pondo ng COVID 19, pagbaon nila sa Pilipinas sa utang, flood control projects na walang silbi sa pagbaha kung may itinayo man na proyekto para makontrol ang pagbaha.
Hindi rin napag-uusapan ang bilyong-bilyong dolyar na sinasabing ninakaw ng ama ni Marcos Junior noong nasa poder pa ang mga ito at sa halip ay isa-isa nilang naipapanalo ang kanilang ill-gotten wealth cases.
‘Yung malalaking mga kumpanya na naninira sa kapaligiran para makuha ang mga ginto at iba pang yamang lupa na nagpalala sa problema kapag nagkakaroon ng kalamidad, ay natatakpan na rin ng ingay ng pulitika.
Kaya kung may talo sa away ng dalawang pamilyang ito at mga supporter nila, ay ang taumbayan at dahil sa kanilang bardagulan, nakalilimutan ang kanilang mga kasalanan. Talo talaga ang bayan.
53