NAGLAHONG DIWA NG PALIGSAHAN

NOONG araw, nakasandig sa respeto at dangal ang pagdaraos ng paligsahan sa ­larangan ng palakasan. Subalit sa pag-inog ng panahon, unti-unting nawala ang tunay na diwa sa likod ng tagisan ng lakas, bilis, husay at abilidad ng mga atletang nasilaw sa kinang ng ginto at katanyagan.

Nawala na rin ang disiplina at kapatiran. Ang tingin sa kakumpitensya, mga kalabang kailangan talunin, durugin at hiyain sa harap ng mga tagasuporta at manonood.

Ang nangyaring gulo sa ligang ­inorganisa ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ay isa lang sa maraming pagkakataong humantong sa gulo ang dapat sana ay kapana-panabik na laro. Hindi lang isa o dalawa ang pinakawalang suntok ng isang manlalarong naghuramentado.

Saan nga ba nagkulang ang NCAA? May mga mungkahi ang mga sawsawerong politiko. Anila, kailangang isailalim sa drug test ang mga atleta bago sumabak sa laro. Giit naman ng iba, higpitan ang umiiral na regulasyon sa mga liga. Hindi rin nagpaiwan ang mga nagpapanggap na eksperto sa larangan ng palakasan.

Ang totoo, walang puwang ang sisihan sa nangyaring gulo sa pagitan ng star player ng Jose Rizal College at buong koponan ng ­College of Saint Benilde.

Ang pinaka angkop na hakbang – isang kolektibong pagkilos sa hanay ng mga nag-organisa ng paliga (NCAA at iba pa), paaralang kinakatawan ng mga manlalaro, ang coaching staff at maging sa kanila mismong pamilya para maibalik ang tunay na diwa ng palakasan.

Nakalulungkot isipin na ang iniidolong atleta ng mga kabataan, isa na palang masamang huwaran.

49

Related posts

Leave a Comment