NAGLAHONG KREDIBILIDAD NG NEDA

PAGDATING sa kredibilidad, isa marahil sa mga unang pumapasok sa isipan ng mamamayan ang National Economic and Development Authority (NEDA). Dangan naman kasi, ang bawat datos na inilalabas, sadyang bunga ng maingat at mabusising pag-aaral.

Buwan ng Hunyo ng taong 2018 nang maglabas ng pahayag ang NEDA hinggil sa usapin ng kitang sapat para mabuhay ang isang ordinaryong pamilya.

Ayon kay dating Socio Economic Planning Sec. Ernesto Pernia, kailangang kumita ng P42,000 kada buwan ang isang ordinaryong pamilya para sumapat sa kanilang pangunahing pangangailangan.

Kung pagbabasehan aniya ang Republic Act 10963 (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) na nagbibigay exemption sa isang ordinaryong pamilya, sapat na ang P21,000 kada buwan kung wala pang anak. Pero doble na dapat ang ganansya kung may dalawang anak na.

Partida, 4.6% pa lang ang inflation rate sa mga panahong ‘yun ha. Hindi kasing mahal ang presyo ng mga bilihin sa palengke, gayundin ang bentahan ng krudo at gasolina.

Ang dating tiwala sa NEDA, sa isang iglap ay naglaho dahil sa taliwas na posisyon ng bagong NEDA chief na si Arsenio Balisacan.

Ayon kay Balisacan, ‘di napapanahon ang hirit na dagdag-sahod ng mga manggagawa.

Susmaryosep! Ekonomista ba talaga si Balisacan o baka naman na-comatose sa nakalipas na limang taon?

Ang totoo, batid mismo ng gobyerno na hindi sapat ang umiiral na minimum wage na P567 kada araw sa Metro Manila, habang higit na mababa sa mga lalawigan kung saan pareho lang naman ang presyo ng pangunahing bilihin sa sa mga pamilihan.

Maski siguro mag-diyeta pa ang isang ordinaryong pamilya, kakapusin pa rin.

29

Related posts

Leave a Comment