NAGSASAYANG LANG NG PERA?

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

KUNG merong isang napakahalagang bagay na hindi masyadong pinagtutuunan ng pansin ng national at local government ay ang ­patuloy na pagtaas ng lebel ng dagat na nagiging dahilan kung bakit hindi maresolba ang baha sa Metro Manila.

Mukhang nagsasayang lang ng taxpayers money ang national at local government units (LGUs) dahil ang lagi nilang solusyon kapag may baha sa kanilang nasasakupang lugar ay itaas ang kalsada.

Isang halimbawa na riyan ang Timog Avenue at karugtong na mga kalsada sa Quezon City na itinaas pero lubog pa rin sa baha. Ibig bang sabihin nito, nasolusyunan ang problema?

Ginagawa rin ‘yan ng ibang mga siyudad sa Metro Manila at sa mga probinsya kaya kung mapapansin n’yo, maraming lugar na ang mas mataas ang kalsada kaysa lupang kinati­tirikan ng mga bahay.

Hindi biro ang perang ­ginagastos sa pagpapataas ng mga kalsada dahil kahit maayos pa ay binabakbak na para itaas at suwerte ang mga kontraktor dyan pero ang kawawa ay ang tax payers pero ang inaasahan nilang solusyon sa baha ay hindi naman nangyayari.

Papaanong hindi babaha eh tumataas nga ang level ng dagat kada taon. Base nga sa pag-aaralan ng World Bank, kada taon ay 5.7 hangga 7.0 mm ang itinataas ng tubig dagat kada taon.

‘Yan ang hindi pinagtutuunan ng pansin ng national at local government kaya kahit anong gawin nilang gastusan para maibsan ang tubig baha kapag panahon ng ulan, ay walang mangyayari.

Walang master plan kung papaano reresolbahin ang problema ng patuloy na pagtaas ng level ng tubig dagat at maging sa baha sa buong ­Metro Manila dahil kanya-kanyang diskarte pa rin ang LGUs at ang laging solusyon ay itaas ang kalsada.

Kahit magpataasan pa ng kalsada ang lahat ng LGU sa Metro Manila ay hindi masosolusyunan ang baha hangga’t hindi magkaisa ang mga ito para ayusin ang kanilang ­drainage system.

Parang hindi magkaka­dugtong ang mga imburnal sa Metro Manila kaya papaano makadadaloy nang mabilis ang tubig baha sa dagat? At ang inilalagay na mga imburnal, Diyos ko, ang liliit.

Wala ring koordinasyon ang LGUs para linisin ang mga estero na punong-puno ng mga basura, burak na nagiging dahilan para hindi makadaloy ang tubig baha sa panahon ng tag-ulan.

Bakit hindi magtakda ng panahon ang LGUs na ­sabay-sabay silang maglinis ng kanilang mga estero at imburnal at pagdugtungin ang ­kanilang mga drainage system?

Kahit kasi maglinis ng kanilang imburnal at estero ang isang siyudad kung hindi naman naglilinis ang mga ­katabing lugar eh wala ring mangyayari n’yan. Sayang lang talaga ang pera.

Kailangan ang sabayang paglilinis at siguraduhin na ­ipatupad ang batas laban sa mga nagkakalat ng basura lalo na ‘yung mga negosyante, hindi lang ang mga ­ordinaryong tao, kung gusto n’yong maresolba ang problema sa baha.

86

Related posts

Leave a Comment