NAGSISISI NA BA SILA?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

SA mga post sa social media, maraming Pinoy na ang tila nawawalan na ng pag-asa na matutupad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang kanyang mga pangako noong nakaraang eleksyon tulad ng bigas na maaari raw mabili sa halagang P20 kada kilo.

Aminado ang mga na-interview na pawang mga nasa laylayan ng lipunan, na ibinoto nila si Marcos noong nakaraang eleksyon dahil sa pag-aakalang siya ang makapag-aahon sa kanila sa kahirapan at kinalimutan ang background ng kanilang pamilya.

Noong panahon ng eleksyon may nag-viral pa nga na video ng isang matandang babae na patumbling-tumbling pa, hinahalikan ang poster nina BBM at Sara Duterte na nakadikit sa kanyang barong-barong at sabay kutya sa pambato ng oposisyon na si dating Vice President Leni Robredo. Kumusta na kaya ‘yung ale?

Pero matapos ang 15 buwang pagiging pangulo ni Marcos, tila nagsisisi na ang mga tao na siya ang ibinoto dahil imbes na bumaba ang presyo ng bigas ay dumoble pa ang halaga nito at wala ring puknat ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sa katunayan, may mga post ng pagmumura ng isang ale dahil nabudol daw sila at lalo silang nabaon sa kahirapan kasunod ng hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng mga bilihin kaya ‘yung kakarampot nilang kita ay hindi na kasya, at paglala raw ng corruption. Gising na siya ha.

Kapag namalengke ka, ramdam na ramdam mo ang pagsirit ng inflation rate kaya napapailing ka na lamang dahil halos wala nang halaga ang hawak na pera dahil sobrang taas na ng presyo ng mga bilihin.

Ang sitwasyon ngayon sa ating bansa ay nagpagising na sa mga bumoto kina BBM at Sara, kaya nagagalit na sila at ang tanging nagtatanggol na lang sa kanila ay ang troll army na alam naman ng lahat na para silang kotse na hindi aandar kung walang gasolina.

Ang tanong, may gagawin ba sila? Palagay ko ay wala at hinintayin na lamang na matapos ang termino ni Marcos at magbabakasakaling ang susunod na pangulo ang tutupad sa kanilang pangarap na makaahon sa kahirapan.

Kung kikilos kasi ang mga tao ay susuportahan nila ‘yung imbestigasyon ukol sa umano’y dayaan noong nakaraang eleksyon lalo na ‘yung 20 milyong boto na itrinansmit ng isang private IP address sa Commission on Election (Comelec) kahit hindi pa nakapag-iimprenta ng election returns ang election officers sa mga presinto, pero tahimik lang sila.

Isa pa sa mga problema kung bakit laging nagkakamali ang mga tao sa pagboto ng susunod na mga lider ng bansa ay kawalan ng edukasyon kung sino ang dapat iboto, bakit sila iboboto at bakit hindi sila dapat iboto.

Hindi pa mature ika nga, ang mga botante dahil wala silang pakialam kung corrupt ba ang tumatakbo o hindi. May alam ba sa pamamahala o wala.

Ang lagi nilang pinipili ay ‘yung sikat na pinasikat ng mga PR group kapalit ng malaking halaga at nagkondisyon sa isip ng mga tao na itong pini-PR nila ay basta magaling pero hindi ipinaliliwanag kung bakit siya magaling? Lord, kayo na po ang bahala.

258

Related posts

Leave a Comment