NAKAKAUMAY ANG DRAMA SA SUBSTITUTION

0

ANG substitution ay sadyang isinama sa election law upang lahat ng mga kandidato na mamamatay o madiskuwalipika bago ang araw ng halalan, ay puwedeng palitan ng kanilang mga kaanak.

May mga kandidato kasi sa local position ang biglang namamatay o ma-DQ bago ang halalan at dahil sa probisyon sa batas, maaari silang i-substitute ng kanilang mga kaanak… dapat kaapelyido nila.

Pero nasilipan ng mga henyo ng butas ang batas na ito kaya kahit hindi namatay ang isang naghain ng Certificate of Candidacy (COC) ay puwede silang palitan ng kanilang mga kaanak.

Nangyari na iyan sa kaso ng isang congressional candidate sa Pangasinan at ginamit ding istilo ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 presidential election kaya naging popular ang substitution.

Puwede sabihing political strategy ni Duterte na huwag munang maghain ng kanyang COC noong 2015 kaya ang kanyang supporter na si Martin Diño ang pinaghain nila ng COC sa pagkapangulo.

Epektibo naman ang strategy dahil si Digong ang pinag-uusapan kung tatakbo ba siya o hindi. Lalong nakatulong ‘yun sa kanyang popularity lalo na’t hinaluan nila ng drama na “tumakbo ka para sa bayan”.
Mahilig ang Pinoy sa drama at nakuha ni Duterte ang atensyon ng mga tao kaya kunwari… “Sige tatanggapin ko ang hamon ng bayan” at pinalitan si Diño bago matapos ang substitution deadline and the rest is history.

Muling ginagamit ng kanyang mga bata ang istilo at drama na ito kahit bumenta na noong 2016 election dahil imbes na si Duterte ang maghahain ng COC para sa pagka-bise presidente ay si Bong Go ang naghain, imbes na pagka-presidente na orihinal na plano ng partido.

Hindi yata agad nagawa ang script kung sino ang dapat maghain ng COC para sa pagka-presidente kaya dalawang oras bago matapos ang COC filing ay tinawagan ng PDP-Laban si Bato dela Rosa para maghain ng kanyang COC sa pagka-pangulo.

Aminado si Bato na handa siyang i-substitute kaya ang iniisip ng mga tao ay si Go ang magsu-substitute sa kanya at si Duterte naman ang magsu-substitute kay Go sa pagka-bise presidente.

Isa pang opsyon na puwedeng gawin ng PDP-Laban ay si Mayor Sara Duterte-Carpio ang magsu-substitute kay Bato at mukhang nagsiguro rin ang Lakas-CMD na sakaling ayaw ni Mayora sa PDP-Laban ay puwede niyang i-substitute ang ­pinaghain ng partido ng COC para sa pagka-presidente.

Diyan pa lang, parang pinaglalaruan na ng self-proclaimed leaders ang batas kaya kung ang isang simpleng batas ay hindi nila kayang sundin, paano na ang mga mas seryosong batas?

Dapat maging ehemplo ang self-proclaimed ­leaders pero sa ginagawa nila mukhang hindi sila magandang ehemplo.

Pero sa tingin ko, hindi na ubra ang drama ng PDP-Laban dahil bagama’t mahilig sa drama ang mga Pinoy, madalas din sila nauumay kapag pare-pareho ang kuwento ng pinapanood nilang drama.

Bumenta na ang kadramahan ni Duterte noong 2016 kaya ang palagay ay magpa-flop ang panibago nilang drama lalo na’t hindi naman kasiya-siya ang nangyari sa bansa sa panahon ng kanilang panunungkulan.

Meron din history na hindi pa pinauulit ng mga Filipino ang mga nakaupong adminis-trasyon. Tingnan n’yo ang nangyari sa Liberal Party (LP) na nangarap na manatili sa kapangyarihan sa loob ng 18 taon, hindi nangyari!

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment