Gen Z Talks ni LEA BAJASAN
NAGKAROON ng isang diskurso na umikot online patungkol sa ina ni Carlos Yulo.
Pagdating sa pinakabagong Olympics sensation na si Carlos Yulo, hindi lang dahil sa gymnastics niya ang nagiging headline, kundi pati na rin ang family drama na dulot ng kanyang ina.
Sa panayam, sinabi ni Mrs. Yulo na taliwas sa mga alegasyon, hindi niya na-mismanage ang pera ng kanyang anak at sa katunayan ay idineposito ito sa isang bangko sa Maynila.
Nakatanggap daw siya ng pera sa ngalan ng kanyang anak.
Pagkalipas ng dalawang araw, naglabas si Yulo ng video sa TikTok, tinanong niya ang kanyang ina kung saan napunta ang kanyang nakaraang premyong pera dahil “hindi niya ito natanggap.”
Ibinunyag niya rin sa TikTok na ang kanyang ina ay tila hindi aprubado sa kanyang modelong kasintahan na si Chloe Anjeleigh. Sa TikTok video, ibinahagi ng gymnast kung paano “nabigla” ang kanyang ina nang malaman ang tungkol kay Chloe at gumawa ng mga konklusyon tungkol sa kanya batay sa kanyang hitsura at pag-uugali.
Panahon na upang pag-usapan ang nakalalasong kulturang Pilipino kung saan “ang mga matatanda ay laging tama”. Ang mga magulang ay palaging iginigiit na dapat sila ang masusunod dahil sila ang matanda. Hindi porket matanda eh tama na agad. At iyong pag-i-invalidate sa nararamdaman at emosyon ng anak. Kapag pinawalang-bisa ng mga magulang ang damdamin ng kanilang anak, sinisira nila ang emosyonal na mga karanasan ng bata at maaaring makabuluhang makaapekto sa kanilang kapakanan. Ang mga hindi wastong tugon, tulad ng pagwawalang-bahala o pagmamaliit sa damdamin ng isang bata, ay nagpapadala ng mensahe na ang kanilang damdamin ay hindi mahalaga o wasto.
Hindi pinili ng mga bata ang kanilang mga magulang, sa halip ay pinili ng mga magulang na magkaroon ng mga anak. Responsibilidad ng isang magulang na ibigay ang mga pangangailangan ng mga anak. Ang bata ay hindi obligadong ibalik ang lahat ng ito, sa halip sila ay magiging mga magulang din sa lalong madaling panahon at magbibigay ng lahat ng pangangailangan ng kanilang mga anak.
Ibinabalik natin sa ating mga magulang ang ibinibigay nila sa atin, hindi dahil sa obligasyon natin kundi dahil sa pagmamahal at pagnanais na makitang masaya ang ating mga magulang at makaramdam ng pagpapahalaga. Lalo na sa mga magulang na tunay na sumuporta, gumagalang, at nagmamahal sa kanilang mga anak.
May ilang magulang na hindi man lang kayang maibigay ang mga pang-araw-araw na pangangailangan ngunit patuloy pa rin sa pagkakaroon ng mga anak. Sa pag-iisip na ang kanilang mga anak ay siyang mag-aahon sa kanila mula sa kahirapan.
Bakit mo pa ipanganganak ang mga bata kung hahayaan mo lang silang magutom? Ang mga bata ay may pangunahing mga karapatan at pangangailangan kaya kung hindi mo maibibigay iyon, magkaroon ng pakiramdam o maging responsable na huwag nang dagdagan pa ang anak nang higit pa sa kaya mong pakainin.
Palagi na lang “magulang mo pa rin iyan” ngunit hindi kailanman “anak mo pa rin iyan”.
Kapag nagsalita ang bata laban sa magulang, iniisip ng ilang magulang na ito ay kawalan ng galang sa kanila. Iba rito ang utang na loob dahil iniluwal ka at responsibilidad ng magulang na buhayin ka.
Sa konklusyon, ang isyung ito ay dapat nilutas na lang nang pribado at sa loob lamang ng pamilya. Si Angelica Yulo kasi ang nagsimula ng lahat. Nagsabi na lang sana siya ng pagbati at papuri para sa kanyang anak ngunit nagbigay pa siya ng pag-uusapan. Sabi nga, mas maraming nakakaalam, mas maraming makikialam. Ngayon, pinagsasamantalahan ng social media ang drama sa halip na pagtuunan ng pansin ang makasaysayang panalo ni Carlos Yulo.
Ang away na ito ni Yulo at ng kanyang ina ay isang palatandaan tungkol sa mga inaasahan ng magulang para sa mga bata na laging sumunod sa kanila, kahit hindi nila iniisip kung ito ba ay para sa ikabubuti ng kanilang anak.
Ito ay hindi paghuhusga kanino man kundi base lamang sa kung ano ang mga inilahad ng magkabilang panig sa social media. Kung ano ang totoong kwento ay sila lang sa pamilya ang nakakaalam.
38