NAKALILITO ANG VICTORIOUS LANGUAGE TRAINING

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

SIKAT na sikat ang K-drama kaya marami tuloy ang nahuhumaling na makapunta sa South Korea upang ma-experience ang mga napapanood nila sa K-drama.

Marahil ito rin ang dahilan kung bakit umusbong ang napakaraming mga negosyo katulad ng mga Korean restaurant, Korean groceries at maging ang mga Korean Language Training Center.

Maging ang social media ay binabaha na rin ng mga advertisement na nakalilitong mga post na kung saan ay nakahahatak ito ng mga Pinoy na gustong magtrabaho sa South Korea.

Kabilang na rito ang mga social media post ng Victorious Language Training Center na kung saan ay nakapaskil sa kanilang Facebook page ang maraming mga posisyon at ang malaking sweldo na

inaalok na maaaring aplayan sa South Korea. Ngunit kung susuriing mabuti ang mga ­nakapaskil na trabaho ay may maliit na mga letra na kung saan ay ­nakasulat ang salitang “source from POEA” na ang ibig ­sabihin ay hindi naman sila ang naghahanap ng ­manggagawa kundi sila ay nagbibigay lamang ng language training.

Dahil dito, marami ang nalilito at nag-aakala na ang Victorious Language Training ay isa ring placement office dahilan kung bakit marami ang naeengganyo na mag-enroll sa kanilang training center.

Kabilang na rito ang isa sa aking na-interview sa ­aking program sa DWDD 1134 KHz na Bantay OFW noong ­nakaraang Biyernes na itinago namin sa pangalang “Mark”.

Ayon kay “Mark”, siya ay naengganyo sa nasabing ­training center dahil sa kanyang nakita na ads sa Facebook na kung saan ay inilathala ng Victorious Language ang ­maraming mga trabaho sa mga pabrika sa South Korea. Agad siyang tumawag sa nasabing training center at sinabi sa kanya na kapag nakatapos s’ya ng 15 days na language training ay agad silang ire-refer sa placement agency.

Ngunit matapos ang pagbabayad ng higit P8,000 at ­matapos ang 15 days training ay wala naman siyang ­natutunan maliban sa mga basic na salita na maririnig sa K-drama sa television. At mas nagpalumo kay Mark ay ­nasayang lamang ang kanyang P8,000 at ang naubos na oras sa pagpunta sa training center ngunit bandang huli ay wala naman siyang placement agency na napuntahan katulad ng ipinangako ng nasabing language training center.

Marami na ang nabiktima ng mga nakalilitong Facebook ads ng Victorious Language Training na aakalain mo na isa itong manpower placement office. Ayon kay Mark, may mga nakasabay siya sa nasabing training center na may ­kaparehong pag-aakala na sila ay direktang makahahanap ng trabaho sa South Korea matapos ng kanilang language training.

Kung kaya nanawagan siya sa kinauukulan katulad ng Department of Migrant Workers na laliman ang pag-iimbestiga sa nasabing language training center upang hindi na dumami pa ang nagagastusan ng malaking pera at maubos ang oras nang dahil lamang sa mali at nakalilitong Facebook ads ng language training centers.

Ang isyu na ito ay akin agad ipinarating kay DMW ­Assistant Secretary Francis De Guzman upang maimbestigahan at mabigyan ng solusyong ang isyu na ito na idinulog sa ating programa.

58

Related posts

Leave a Comment