CLICKBAIT ni JO BARLIZO
SAAN humuhugot ng tapang at bakit ang higpit ng kapit ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang pramis na maibababa niya sa P20 ang presyo ng kada kilo ng bigas?
Mahigit isang taon nang nasa limbo ang kanyang pangako pero ayaw niyang paawat sa kanyang pangarap na pangakong no matter how hopeless ‘ika nga.
Heto na naman siya. May tsansa pa rin daw na maibaba sa P20 kada kilo ang bigas.
Lagi raw may chance ang bente kung maayos ang produksyon, hindi na masyadong bagyuhin at magamit na ng mga magsasaka ang ibinibigay na tulong sa kanila.
Andyan ka na naman MJr. Dadaanin na sa tsansa ang katuparan ng kanyang pangako na produkto na ata ng guni-guni o ilusyon.
Kung ang plano kasi ay pinag-iisipan, binubusisi at pinag-aaralan kung posible ay baka o malamang sa hindi ay lumapit man lang sa bente ang presyo ng isang kilo ng bigas.
Ba’t hihintayin pang maging normal na ang sitwasyon para gumawa ng kinakailangang adjustment ng presyo?
Hindi magiging normal ang kondisyon kung puro reak ang ginagawa sa isyu, sa halip na solusyon.
Lalong naghihirap ang mahihirap. Dumaraing din ang kahit medyo maalwan ang buhay. Bumibilis pa ang buntong-hininga ng nasisiphayo. Tapos dadaanin sa tsansa.
May pa-concert na naman ang Palasyo
Isang gabing puno ng musika ang alay sa mga guro. Ang tribyut sa pamamagitan ng Konsyerto sa Palasyo (KSP) sa Oktubre 1 ay itatanghal sa Kalayaan Grounds sa Malacañang at live sa KSP Facebook page.
KSP as in kulang sa pansin? Ano ba yan? Isang gabing kasiyahan ang pampamanhid sa sakripisyo, pagsisikap at dedikasyon ng mga guro at
‘pag naupos na ang tugtugan at indakan ay nakabalandra ulit ang problema sa sistema ng edukasyon.
Mahilig talaga ang administrasyon sa karangyaan at bonggahan. Goodtime sa gitna ng mga problemang hindi nilalapatan ng kongkretong hakbang at plano o aksyon.
Hindi panandaliang parangal, papuri at alay ang kailangan ng mga guro para maaliw.
Ang kasiyahan ay makukuha kung bibigyan ng atensyon ang mga bumabagabag sa kanila.
Itaas ang kanilang sahod. Ibigay ang mga benepisyo at seguridad ng trabaho ang konsiyertong araw-araw ay magpapaindak sa kanila sa kasiyahan na ang kapalit ay higit na dedikasyon sa pagtuturo.
Anong silbi ng magsaya sa marangyang bakuran ng Palasyo pero pagdating sa eskwelahan ay manlulumo sa kakulangan ng classroom.
Tila gustong bakuran at lagyan ng dingding ang reyalidad ng paghihikahos.
Kung sinsero ang gobyerno sa pagbibigay ng parangal sa mga guro ay dapat na ialay sa mga ito ang kanilang hinihingi.
Hindi concert ang kailangang ialay sa kanila.
May concert na nga silang nasasaksihan at natitikman – kaso konsyerto ng reg-tagging.
‘Money-eating’ eagle sa NAIA
May panibagong kahihiyan sa NAIA. Isang tauhan ng Office of Transportation Security o OTS ang huling-huli sa CCTV na may sapilitang nilunok na diumano’y dolyares na kanyang ninakaw mula sa paalis na pasahero.
Sangkaterba na ang aberya, kapalpakan at nakawan na nangyari sa pambansang paliparan pero kahit nakailang palit na mga namumuno riyan ay hindi pa rin gumanda ang pamamalakad.
Siguro naman natatandaan pa ninyo ang tanim-bala. Sino nga ba ang nakinabang sa iskandalong ‘yan.
Ngayon taon lang, sunod-sunod ang power outage. Sa gitna ng mga kontrobersya ay umugong ang planong isapribado ang NAIA.
Para nga naman maibenta ay kailangan ang mga aberya.
