NAMATAYAN NG AMA SA KAHIRAPAN, NAMIMIGAY NG TULONG

PUNA Ni JOEL AMONGO

NATAGPUAN ng PUNA ang isang barangay captain sa Mandaluyong City na ang lawak ng natutulungan ay parang presidente ng Pilipinas.

Siya ay si Kapitan Dodo Rugay, 66-anyos, ng Brgy. Highway Hills, nagmula sa Zamboanga del Sur, dahil sa kahirapan sa kanilang probinsya ay napadpad sa Mandaluyong City para ­maki­pagsapalaran.

Naging hanapbuhay ng mga magulang ni Kap. Rugay ay maging vendor sa Producer’s Market sa Mandaluyong City.

Dahil sa kahirapan ng kanilang pamilya ay hindi nakapagtapos si Kap. Rugay kaya pinasok niya ang pagpapataya ng ending sa kanilang mga kabarangay na kung saan siya nakilala.

Noong 1970 ay namatay ang tatay ni Kap. Rugay na hindi man lang nila nadala sa ospital dahil sa sobrang kahirapan ng kanilang pamilya.

Mahiyain ang pitong nakatatandang mga kapatid ni Kap. Rugay na lalo pang nagpabigat sa kanila kaya hindi nila nailigtas ang kanilang ama sa sakit.

Nalagutan ng hininga habang nasa banig ng karamdaman ang ama ni Kap. Rugay na hanggang ngayon ay hindi niya makalimutan.

Dahil sa pagiging mabuting tao ni Rugay sa kanyang mga kabarangay ay inudyukan siya ng kanilang mga kapitbahay na tumakbong barangay kagawad.

Kung kaya’t noong 2007 ay una siyang tumakbo bilang kagawad at nanalong ‘first kagawad’ na naging first termer lamang dahil agad siyang sumabak sa pagiging barangay captain na nanalo naman noong 2011.

Ipinangako ni Kap. Rugay na tututukan niya ang health at education ng kanyang mga kabarangay.

Ayaw kasi ni Kap. Rugay na maulit sa iba ang nangyari sa kanilang ama na namatay na hindi man lang nila nadala sa ospital.

Kaya ngayon, walang ­pinipili si Kap. Rugay sa pagtulong, ­maging mga kabarangay man nila o hindi basta’t nangangailangan ay kanilang binibigyan ng ayuda, pambayad sa ospital o pambili ng gamot ng pasyente ng mga lumalapit sa kanila.

May scholarship program din ang Brgy. Highway Hills na nasa 735 ang mga estudyante sa kolehiyo, bukod pa sa personal na 100 scholar ni Kap. Rugay sa Zamboanga, Bohol at Cebu.

Ibinabalik din ni Kap. Rugay sa mga vendor pagdating ng Disyembre, ang kanilang nakokolektang pera mula sa mga ito.

Layunin ni Rugay sa pagbabalik ng pera na kanilang nakokolekta mula sa mga vendor, ay para magkaroon sila ng pagsasaluhan o pandagdag ng puhunan pagdating ng Kapaskuhan.

“Nagpapasalamat po ako sa Panginoon na binigyan n’ya po ako ng puso na ganito na tumutulong sa aking kapwa, ayaw ko pong maranasan ng iba ang nangyari sa aking ama na dala ng aming kahirapan ay hindi namin siya nadala sa ospital,” emosyunal pa na kwento ni Kap. Rugay sa PUNA.

Kung nagagawa ni Kap. Rugay ang ganitong pagtulong sa mga Pilipino, bakit hindi magawa ng iba pang barangay captain? Lalo na ang mga nasa National Capital Region (NCR) na may malalaking Internal Revenue ­Allotment (IRA) at Real Property Tax (RPT).

Sana maging inspirasyon ng mga nasa gobyerno ang tunay na malasakit ni Kap. Rugay sa mga Pilipino. Sumasaludo po ang PUNA sa inyo. Pagpalain po kayo ng Poong Maykapal.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2­amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

Related posts

Leave a Comment