NANGUNGUPAHANG PINAALIS NGAYONG MAY COVID-19

MARAMING nag-email sa PUNA mula sa mga nangungupahan na pinaalis sila habang nasa gitna tayo ng pamdenya ng COVID-19.

Sa kabila ng pakiusap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang public address kamakailan sa mga may-ari ng paupahan na ‘wag munang singilin ng renta ang mga nangungupahan ay marami pa ring hindi nakinig.

Imbes na pakinggan nila ang pakiusap ni Pangulong Duterte ay pinaalis pa nila ang kanilang mga nangungupahan.

Tulad na lamang ng ilang nag-email sa PUNA na hindi nakababayad ng bill sa kuryente, renta ng paupahan dahil sa kakupusan ng pera matapos mawalan ng kita dulot ng COVID-19.

Dahilan ng mga may-ari ng ilang paupahan wala din daw silang kita kaya kailangan din nilang maningil ng renta.

Kaya kahit naka-lockdown ang buong Luzon ay tuloy pa rin ang kanilang paniningil ng bayad sa kuryente at renta.

Ika nga nila pati sila apektado ng COVID-19 at wala rin silang kita kung hindi sila maniningil ng upa.

Kawawa naman ang kanilang mga pinaalis na hindi nakabayad ng renta nitong nakalipas na mga buwan na nawalan ng mga trabaho ang kanilang mga padre de pamilya.

Kakaiba naman ang email sa atin ng isang ginang, gusto na nila umalis nitong June 15 sa kanilang inuupahan dahil wala na silang pang-upa ngayong buwan (June).

Nagsimula daw sila mangupahan sa kanilang tinitirhan noong Mayo 2016 pa at ngayon dahil wala nang biyahe ang kanyang asawang jeepney driver ay nag desisyon na silang umalis.

Hindi pa daw sila pinaalis hanggat wala pa silang kapalit sa kanilang inuupahan.

At ang matindi sila pa ang pinahahanap ng kanilang kapalit bago sila umalis.

Ibang klaseng may-ari ng paupahan na ito, hindi pa nakuntento aalis na lang ang nangungupahan sa kanila ay tinaasan pa sila ng P500 renta bawat buwan sa nakalipas na tatlong buwan.

Kailangan muna raw nila magbayad ng P1,500 bago sila umalis. Gahaman naman nito!

Hindi po ba kayo naaawa sa inyong kapwa?

Kaya nga sila aalis dahil problemado na sila kung saan sila kukuha ng kanilang i panguupa tapos pipigilan nyo pa!

Makunsensiya naman kayo!

Ang pera ay hindi nyo po madadala sa hukay.

Kung ang mga may-ari ng paupahan ay walang kunsensiya, mayroon din namang naawa sa kanilang tenants.

Hindi na nila siningil ang mga nangungupahan sa kanila ngayong may COVID-19.

Nakakatuwa pong pakinggan kapag ganito ang makikita natin na may naaawa sa ating mga kababayan na hikahos.

Hindi katulad ng iba na alam na nilang walang-wala na ay pinadudugo pa nila para lang makabayad sa kanila.

Hindi pa sila nakukuntento pinagsasalitaan pa ng masasama habang pinaaalis nila sa kanilang paupahan.

Mas mabuti na mawala man tayo sa mundo ay marami sa ating nakakaalala na may ginawa tayong kabutihan sa ating kapwa.

Kesa may nagsasabing buti nga nawala siya dahil kung mabubuhay pa yan ay maraming pang pe perwisyuhin yan.

Lalo na ngayon apektado tayong lahat ng pamdenya ng COVID-19 sana yung mga nakakaluwag sa buhay ay tumulong sa mga naghihirap.

Lahat po ng gawain natin sa lupa, masama man o mabuti ay nakikita yan ng Panginoon.

Kaya naman hahatulan po tayo sa panahon ng paghuhukom base sa ating mga nagawa sa ating kapwa.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

82

Related posts

Leave a Comment