CLICKBAIT Ni Jo Barlizo
PABALIK na ba ang Pilipinas sa sitwasyon ng paghihigpit dahil sa COVID-19 pandemic?
Pero sa anunsyo ng IATF, hindi naman itinaas kundi nananatili ang COVID-19 Alert Level 2 sa 26 lugar mula Abril 15 hanggang 30, 2023.
Maging ang Metro Manila ay nananatili sa Alert Level 1.
Sa mga nasa Alert Level 2 ay magpapatupad ng restriksyon na dapat sundin gaya ng 50 percent capacity sa mga establisimyento para sa fully vaccinated adults at 70 percent capacity sa labas.
Pinangangambahan na posibleng magsilbing ningas ito para sa muling paghihigpit tulad ng paggalaw o biyahe ng mga indibidwal.
Ngunit, minamaliit lamang ito ng ibang indibidwal na nag-aakala na tapos na ang pandemya sa bansa. Ang masahol ay may pahiwatig o pagdududa na may ibang intensyon sa pagtataas ng alert level.
Kapag nasa inisyal na parte pa lang ay hindi pa sineseryoso ang babala at saka magagambala kapag laganap na ang pandemya.
Ganyan kasi ang iba, kailangang may dumugo muna bago gumawa ng pag-iingat at sumunod sa tagubilin.
Kasi ba naman, hanggang ngayon ay wala pang kalihim ang departamento ng kalusugan.
Nakasalalay dito ang tiwala ng publiko.
Extended pati scam
Hindi lang daw iyong mga hindi pa rehistradong subscribers ang masaya sa extension ng SIM registration kundi higit iyong mga scammer.
Sa pagpapalawig kasi ng panibagong 90 araw ay siguradong patuloy pa rin ang pagpapadala ng mga spam at scam text messages.
Makikigulo sila sa paghahabol sa deadline at baka makapambiktima pa sa last minute, ika nga.
Ito nga ang inirereklamo ng mga maagap na nagparehistro. Paano nga naman ay patuloy silang mahahantad sa mga scammer at manloloko na hindi nauubusan ng taktika at diskarte para kumita sa panlalansing motibo.
Ang isa sa mga dahilan kaya hindi mairehistro ang SIM ay ang kawalan ng government ID.
Siguro, dapat inatupag muna ng gobyerno ang pag-iisyu ng national ID sa lahat nang may magamit na balidong pagkakakilanlan.
Kaso, mabagal ang release ng mga national ID at kung mamalasin ay ang kumukuha pa ang magda-download, kaya ayun, ID na gawa sa papel ang pagtitiyagaan. Buti at maaari na raw gamitin kahit Barangay ID sa pagrerehistro.
Uso rin naman ngayon ang papel. Mayroon na ngang lisensiyang papel na iniisyu ang LTO.
Dami kasing pumapapel kaya ang golden era, mukhang papel de hapon at papel de liha.
134