NAPAHIYA SI “DANNY SPUTNIK”

0

SA buong Calabarzon, hindi malaking palaisipan kung bakit hindi nakasama sa tinawag na “National Capital Region (NCR) Plus” ang Batangas at Quezon, samantalang malaki rin ang suliranin ng dalawang lalawigan hinggil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang nakasama lang sa NCR Plus na isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified ECQ (MECQ) ay Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan hindi bahagi ng Calabarzon.

Dahil diyan, hindi nakasama sa P22.9 bilyong ayuda ang Batangas at Quezon.

Sa pangyayaring ito, napansin ng media ang dobleng dagok na tumama sa Quezon kung saan mga residente ang higit na kawawa sa COVID-19, lalo pa’t hindi totoong dumating ang bakunang Sputnik V ng Rusya.

Dahil dito, isinilang ang kyut na pangalang “Danny Sputnik”.

Nakarating sa mga journalist sa NCR ang pangalang Danny Sputnik.

Alam ba ninyo kung sino ito?

Ito ay walang iba kundi si ­Gobernador Danilo “Danny ­Suarez” ng Quezon.

Ayon sa impormasyong ipinabatid sa mga journalist, mga residente ng Quezon ang nagbansag sa beteranong pulitiko ng Danny Sputnik.

Pokaragat na ‘yan!

Malaki na nga ang problema ng mahigit dalawang milyong residente ng Quezon sa buhay at pananalasa ng COVID-19 sa naturang lalawigan, nagawa pang magpakawala ng mga residente ng bagong bansag kay gobernador na Danny Sputnik.

Biruin n’yo, nakaisip agad sila ng ibabansag kay Gobernador Suarez na DS din kapag pinaiksi.

Tamang-tama, malapit na ang eleksyon.

Nagsimula umanong tawa­ging Danny Sputnik si gobernador makaraang ipangalandakan nito sa “Report to the Nation” ng National Press Club (NPC) noong Abril 23 na nakakuha raw ng bakunang Sputnik V ang kanyang administrasyon.

Samakatuwid, ang punto niya ay malulutas na ang napakasahol na suliranin ng Quezon sa COVID-19.

Maraming taga-Quezon ang nakapanood sa Facebook sa pagpapaliwanag ni Governor ­Suarez sa press forum ng NPC sa pangunguna ng mga beteranong Kolumnistang sina Paul Gutierrez at Joey Venancio.

Basahin po ninyo ang ­pahayag na ito: “April 14, ­dumating na yung Sputnik namin ­galing Russia. On that line, Sinovac 5,545, AstraZeneca 871. Sputnik wala yung numero pero nasa amin na. I reconfirmed it with our provincial head. Gamaleya Sputnik ang pangalan. Ang balita ko kasi rito sa Sputnik hindi isinama sa region nandun lahat accept Quezon. Kaya nga tinawagan ko si Secretary Francis Duque. Alam mo naman matagal ko ng kaibigan yun, I called him the other day sabi ko Francis ba’t wala akong Sputnik?”, pagmamalaking sinabi ni Suarez sa NPC press briefing.

Hindi binanggit ni Suarez kung ilang dosis ng Sputnik V vaccines ang nakuha ng Quezon at kung may pasilidad sila para sa storage requirement para sa nasabing bakuna.

Dito nagsimulang bansagang “Danny Sputnik” si Danny Suarez ng mga residente ng Quezon.

Pokaragat na ‘yan!

Ang kyut ninyong mag-isip!

Aba teka lang, di ba’t ito ‘yung kalaban ng OXO, Commando at Batang City Jail?
Hehehehe.

“Maliban na lamang kung magpapakita siya ng pruweba na nakakuha na nga ng Russian-made vaccine Sputnik V ang ­Quezon.

Kung hindi pa, ay naku, palpak ang diskarteng ito dahil binibigyan nya lang ng kawalang-pag-asa ang mga taga-Quezon sa gitna ng paglobo ng COVID-19.”

Ito ang nag-aalimpuyo sa galit na tanong ng Quezon Rise Movement (QRM), isang bagong tatag na civil society movement na ­sumisigaw ng pagbabago sa lalawigan.

Hindi kaya ulyanin na itong si Gobernador Suarez?

Base sa pahayag ni Pangulong Duterte: “I will direct the secretary of the Department of the Interior and Local Government (DILG) to hold the local government officials responsible for this kind of events happening in their places. It is a violation of the law and if you do not enforce the law, there is dereliction of duty which is punishable under the Revised Penal Code.”

Isa kasi ang Quezon sa mga LGUs na pinakamakupad at matamlay ang pagtugon sa ­COVID-19, na may 2.9 percent lamang ang vaccination rate.

Sa mahigit 2 milyong populasyon ng lalawigan, nasa 14,000 ng mga residente rito ang nabakunahan na, pinakamababa sa LGUs na nakatanggap ng bakuna sa buong bansa.

Obligadong mag-isip si ­Gobernador Suarez nang mabuti upang hindi mali-mali ang kanyang pahayag sa media.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment