NAPAKABABA NG TIWALA NG PUBLIKO KAY PACQUIAO

0

MISTULANG nakatikim ng mag-asawang sampal si Senador Emmanuel Pacquiao dahil 35 porsiyento ang nakuha niyang “disapproval rating” mula sa mga Filipino.

Resulta ‘yan ng sarbey na inilunsad ng PUBLiCUS Asia Inc. mula Hulyo 13 hanggang 19.

Ayon sa nasabing kumpanya, ang markang 35% mula 12% ay iskor ng publiko sa mga birada ni Pacquiao laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Pokaragat na ‘yan!

Kung paniniwalaan ang PUBLiCIS, nadagdagan ng 23 porsiyento ang 12 porsiyentong nabuwisit na dati kay Pacquiao dahil inupakan ng senador si Duterte.

Ang approval rating ni Pacquiao ay 37% na lang ngayong ikalawang kwarter ng 2021 kumpara sa 66% noong unang kwarter, patuloy ng nasabing kumpanya.

Pumalo na lang sa 25% ang trust rating ni Pacquiao na dating 53%.

Pokaragat na ‘yan!

Dapat bang paniwalaan ang sarbey ng PUBLiCIS Asia Inc.?

Balikan natin ang sarbey ng Pulse Asia kung saan nakakuha si Pacquiao ng ikaapat na puwesto sa sarbey nito noong Hunyo.

Kahit sa mga naunang sarbey ng nasabing kumpanya, hindi nakapuwesto si Pacquiao kahit sa pangalawa, o pangatlo man lang.

Nangangahulugang ayaw ng mayorya ng mga Filipino na maging pangulo siya.

Lubos silang naniniwala na hindi karapat-dapat na pumalit si Pacquiao kay Pangulong Duterte.

Palagay ko, hindI sila hanga at lalong hindi sila naniniwalang kayang lutasin ni Pacquiao ang napakaraming suliraning iiwanan ni Duterte sa Hunyo 30,2022.

Talamak na katiwalian, korapsyon at pandarambong, iligal na droga, trilyun-trilyong utang, napakataas na presyo ng mga bilihin, mahigit 12 milyong manggagawang walang trabaho, napakababang buwanang sahod ng mga manggagawa, napakababang suweldo ng mga guro, angas ng China sa West Philippine Sea (WPS), implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at napakaraming iba.

Tablado rin si Pacquiao kahit sa pagpipiliang mga kandidato sa pangalawang pangulo.

Pokaragat na ‘yan!

Naniniwala na ba kayo sa sarbey ng PUBLiCIS?

Pasok na pasok si Pacquiao sa mga maaaring manatiling senador.

Pokaragat na ‘yan!

Hindi ko talaga maintindihan ang panlasa ng mga Filipino.

Si Pacquiao na walang kagilas-gilas na ginawa bilang senador at wala ring kahanga-hangang nagawa noong kongresista pa siya ay gustung-gusto pa rin ng mayorya ng mga Filipino na maging mambabatas ang naturang politiko.

Pokaragat na ‘yan!

Wala akong masamang tinapay kay Pacquiao dahil wala naman siyang ginawang masama sa akin.

Kahit, wala siyang nagawang mabuti sa napakaraming mga Filipino habang miyembro siya ng Kongreso sa matagal na panahon, talagang dalawang bagay ko lang hinangaan si Pacquiao: Una, ang tagumpay niya sa pagiging propesyunal na boksingero; Pangalawa, ang determinasyon niyang makaahon mula sa napakahirap na buhay.

Sigurado akong ang magtagumpay sa buhay at makaalpas mula sa napakatinding kahirapan ang gusto nating makamit sa ating buhay.

oOo

CP: 09985650271 / Viber #: 09457016911

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment