CLICKBAIT ni JO BARLIZO
BOKYA na sa secret funds ang limang ahensya ng pamahalaan, base sa desisyon ng small committee ng House of Representatives.
Ang Office of the Vice President, Department of Education, Department of Agriculture, Department of Information and Communications Technology, at Department of Foreign Affairs ay hindi na bibigyan ng confidential funds sa ilalim ng 2024 budget.
Sa halip, ilalaan ang pondo sa mga ahensyang nagtatanggol sa West PH Sea.
May kabuuang P1.23 billion na confidential funds ang ni-realign mula sa Office of the Vice President: P500 million, Department of Information and Communications Technology: P300 million, Department of Education: P150 million, Department of Agriculture: P50 million, Department of Foreign Affairs: P5 million.
Tumpak naman na ang binaklas na CIF mula sa 5 ahensiya ay isalin sa Department of Transportation: P381.8 million para sa development ng Pag-asa Island Airport, National Intelligence Coordinating Agency: P300 million, Philippine Coast Guard: P200 million para sa intelligence activities at ammunition, at National Security Council: P100 million.
Dalawa nga pala sa mga ahensiyang tinanggalan ng CIF ay nasa ilalim ni VP Sara, at isa kay Marcos – ang DA.
Baka magtampo nang husto ang VP at darami ang kalaban niya.. ng bayan pala.
Sana naman maging payapa na siya at hayaan nang makawala ang P650 milyong spy fund.
Teka baka ikonek ito sa halalan 2028.
Ginigiba ba si Sara?
Hindi ah.
Taumbayan ang humadlang sa kanyang CIF.
Saka, wala pa namang pinal na resulta ang pagbaklas sa mga CIF.
Baka mailusot pa rin ito. Antayin na lang matapos ang bendisyon ng Bicam. Malay natin, sa katahimikan ng gabi ay may milagrong mangyari at may isingit.
Kaabang-abang tuloy ang pagpirma ni Marcos Jr. sa GAA. Sana nga ganito rin ang resulta sa Bicam, walang CIF, at walang bakas ng line item.
Kaso nga lang, baka kapitan muli ang contingent fund.
May punto rin naman ang mga nagrereklamo kung bakit mga ahensya ni VP Sara lang pinuntirya at hindi kay Marcos.
Si Senate Minority Leader Koko Pimentel ay naniniwala rin na dapat bawasan o tanggalan na rin ng confidential fund ang Office of the President.
Tulad ng tanggapan ni Duterte, civilian agency ang OP na hindi dapat masangkot sa intelligence gathering lalo pa’t tambak ang trabaho nito sa pamamahala sa bayan.
Kung ang ikakatwiran ay kailangan ito ng Pangulo para mahabol ang mga hoarder, smuggler, etc. aba, ngayong 2023 ay P2.2 bilyon ang confi funds niya pero wala pa namang nahuling bigtime. Kailangan ba doblehin ang P2.2-B?
Naku, baka malula si Presidente lalong walang mahuli!
120