NASA KAMAY NG RTC ANG DESISYON SA VIDEOCONFERENCING NI SEN. DE LIMA

SIDEBAR

Nitong nakaraang Lunes ay naghain ng resolusyon sina Minority Leader Franklin Drilon at Senador Panfilo Lacson na magbibigay-daan sa partisipasyon sa mga deliberasyon ng Senado kay Senador Leila de Lima habang ito ay nakakulong sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame.

Teleconferencing ang pamamaraan ng partisipas­yon ni De Lima sa mga se­syon sa Senado at hindi na ito imposible sa digital age kung saan maglalagay ng digital camera equipment sa loob ng PNP Custodial Cen­ter at sa tulong ng mga technician ay maaaring makita ang detenidong senador ng mga kapwa niya senador sa loob ng session hall.

Gayundin, makikita ni De Lima kung sino ang nagsasalita sa podium sa Senado at maaari siyang magbigay rin ng mga komento at puwede pa siyang mag-privilege speech kung kanyang nanaisin at bibigyan siya ng schedule ng Senado.

Sa kabila ng kanyang kritisismo noon kay De Lima noong kalihim pa ito ng Department of Justice, pabor si Lacson sa partisipasyon ng senadora sa sesyon ng Senado at sa katunayan ay nagrekomenda na siya ng budget sa pinamumunuang Committee on Accounts para mabili ang equipment sa videoconferencing.

Binatikos naman ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang resolusyon nina Drilon at Lacson na tinawag niyang “double standard” at “sense of entitlement” para sa benepisyaryo ng resolusyon na si Senador De Lima.

Malinaw kung saan nanggagaling si Revilla. Nakulong siya ng halos anim na taon sa PNP Custodial Center sa kasong plunder na ayon sa kanya ay “politically motivated” at mismong si De Lima bilang DOJ secretary ang nanguna sa pagsasampa ng kaso.

Ikinalungkot din ni Revilla ang pahayag ng ilang mga senador na kasamahan niya na hindi kakulangan sa Senado kung nakakulong ang tatlong senador na sina Revilla, Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada na kapwa hindi pinalad na makabalik sa Senado nitong nakaraang eleksyon.

Tama naman ang na­ging sagot ni Senador Lacson kay Revilla nang sabihin nitong kung nasa Senado siya noong panahong nakakulong ang tatlong senador ay sinuportahan niya rin ang resolusyon na magpapahintulot sa kanilang partisipas­yon sa mga deliberasyon ng Senado.

Ito lang ang paliwanag ni Lacson: “If I was in the Senate when Sen. Revilla was incarcerated along with Sens. Estrada and Enrile, I would have supported their participation as well since we had earlier allowed Senator (Antonio) Trillanes the same privilege when he was detained after he won a Senate seat in 2007.”

Sakaling aprubahan ng plenaryo ang joint resolution nina Drilon at Lacson, ang Muntinlupa Regional Trial Court pa rin na may hurisdiksyon sa kaso ni De Lima ang magdedesisyon kung papayagan niya ang implementasyon ng nasabing Senate resolution.

Ang RTC pa rin ang magbibigay ng order sa PNP sa pagkakabit ng digital equipment sa Custodial Center para sa videoconfe­rencing ni De Lima habang may sesyon ang Senado.

Natural na tatanungin ng RTC ang PNP kung makaaapekto ba ito sa seguridad ng Custodial Center kung saan nakakulong din ang ilang mga high-profile detainees at depende sa sagot ng liderato ng PNP kung maisasakatuparan ang videoconferencing ni Senador De Lima. Abangan…  (Sidebar/ RAYMOND BURGOS)

24

Related posts

Leave a Comment