NASAAN ANG MGA PARTY-LIST?

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

TUWING nagkakaroon ng ­kalamidad sa iba’t ibang parte ng ating bansa, ang tanging umaayuda lang sa mga biktima ay ang national government sa pamamagitan ng local executives.

Merong iilang foundations at mga indibidwal na may kaya sa buhay ang tumutulong pero ang hinahanap at inaabangan ko ‘yung mga kinatawan ng mga party-list na nakaupo sa ­Kongreso… pero wala ata.

Ang party-list congressmen ay parang traditional politicians din na nag-iikot sa buong bansa kapag panahon ng kampanya at nangangako ng tulong kapag sila ay naluklok sa Kongreso.

Pero kapag panahon ng ­kalamidad, hindi ramdam ng mga biktima ang kanilang presensya. May ilan siguro pero hindi silang lahat gayong lahat ng parte ng Pilipinas ay may bumoto sa kanila.

Lahat ng parte ng bansa ay meron silang tao na ­nangangampanya para sa kanila at ang gaganda ng kanilang mga pangako kaya ang mga botante naman ay maeengganyong iboto sila.

Ibig sabihin, lahat ng parte ng Pilipinas ay may bumoto sa kanila kaya dapat tumulong sila sa mga lugar na nasasalanta ng bagyo at hindi sa panahon lang ng kampanya.

Merong ilang nakaupong party-list kasi ang nanalo dahil noong panahon ng kampanya ay ginamit nila ang pondo ng ­gobyerno partikular na ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa programang tinatawag na TUPAD.

Namili ng mga tao sa bawat barangay at binigyan ng TUPAD at ipinalabas na sa kanila galing pero hindi alam ng mga tao, pondo ‘yun ng national government pero pagkatapos ng eleksyon, waley na sila.

Ilan ba ang nanalong party-list noong nakaraang eleksyon at nakaupo ngayon na ang iba ay dalawa hanggang tatlo ang umupo bilang kanilang ­kinatawan sa mababang kapulungan?

Sa datos ng Kamara, may 53 party-list organization ang nakaupo ngayon at maaari pang madagdagan ‘yan dahil may mga nanalo na hindi pa nakakaupo dahil may mga kaso pang kinahaharap.

Sa bilang na ‘yan, 58 ang party-list congressmen dahil may nananalo ng 3 at 2 upuan pero mabibilang mo lang sa kanila ang tumulong sa mga nakaraan at ngayong panahon ng ­kalamidad, hindi talaga sila ramdam.

Kung tumutulong ang mga iyan, ipinangangalandakan nila ‘yan sa kanilang social media accounts, pero ang tahimik ng kanilang grupo kaya ibig sabihin, wala silang naipadadalang ayuda sa mga biktima ng kalamidad.

Hindi lang responsibilidad ng local executives o kaya district congressmen ang pagtulong sa mga biktima ng kalamidad. Dapat tumulong din ang party-list congressmen.

Tuparin n’yo ang pangako n’yong pagtulong at huwag lang magparamdam tuwing eleksyon dahil tulad ng district congressmen, may pondo rin kayo. Kaya kayo pinag-iinitan eh!

102

Related posts

Leave a Comment