NASAAN NA ‘HEADS WILL ROLL’ MO SA BUREAU OF IMMIGRATION, MR. PRESIDENT?

BISTADOR ni RUDY SIM

NOONG nakaraang Martes ay ginanap ang unang pandinig ng Committee on Human Rights and Justice sa pangunguna ni Committee Chairman, Senador Risa Hontiveros, tungkol sa misteryo ng pagkawala ng grupo ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ang dating alkalde, kasama ang kanyang grupo, ay nahaharap sa tadtad na kaso ng human trafficking na may kalakip na hold departure order at warrant of arrest.

Kasama sa mga naimbitahan sa pandinig ang iba’t ibang government agencies, gaya ng DFA, NBI, PAOCC, BI, PNP-IG, at iba pa. ‘Di ba dapat isinama rin sa imbestigasyon ang opisyales ng airports kasama ang Terminal Heads pati na ang hepe ng BI Airport Intelligence?

Sa unang bitaw pa lang ng tanong sa resource persons ng iba’t ibang law enforcement agencies ay agad na nagstand-out si BI Commissioner Norman Tansingco dahil kitang-kita ng buong madla ang kanyang panginginig habang naglilitanya kung ano ang impormasyon na nakalap ng kanyang ahensya tungkol sa eksaktong petsa ng pagpuga ng grupo ni Guo.

Ayon kay Tansingco, August 15 pa noong nagkaroon ito ng impormasyon tungkol sa pagdating sa Malaysia nina Alice Guo, kasama sina Wesley Guo, Shiela Guo at Cassandra Ong, pawang mga nahaharap sa kasong human trafficking pati na sa pag-torture ng Chinese nationals sa dalawang POGO hubs sa bayan ng Porac, Pampanga at Bamban, Tarlac. Subalit taliwas ito sa mga tinuran ng ibang resource speakers kung saan sinabi ng mga ito na August 19 lang nila nalaman ang pagkawala ng grupo matapos ang press release ni Senadora Risa.

So bakit ganun, commissioner? Hindi ba dapat lang na ipaalam mo ang lahat ng mga impormasyon sa ibang kapwa n’yo otoridad upang magkaroon ng proper coordination nang sa ganun ay mapabilis ang pagdakip sa mga puganteng gaya ni Guo?

Nag-ala Michael Jordan ka ba “Kume”, para “Ikaw ang Bida?” Halata tuloy na nangamote ka sa inyong question and answer portion, padi. Hahaha!

Well, muntik kami masuka matapos mo sabihin sa panel na after 2 days nang madakip sina Shiela Guo at Cassandra Ong, ay nagawa n’yong maibalik sa bansa ang mga ito. Nakupo at nagpabida pa talaga itong si “Kume.” Kaya pala panay raw ang pa-congrats ng mga alagad mo na nagpunta pa sa Indonesia para sa turn-over nina Shiela Guo at Cassandra Ong, as if ang mga tao mo sa Intelligence Division ang nakasakote sa kanila! Hesus na mahabagin, ano ba ang partisipasyon ng mga bata mo para akuin ang accomplishment ng Indonesian authorities? Cut the crap, men!

Tama lang ang sinabi ni Senador Joel Villanueva na walang silbi ang P5.6 bilyon na inihihirit n’yo na intelligence fund kung hindi n’yo ito nagagamit nang tama!

Actually, napakaganda na sana ng takbo ng investigation. Ang problema lang, very evident na may ilang senador na halatang inililihis ang punto ng pagtatanong sa Immigration. Nawawala tuloy ang momentum! ‘Di mo ba nahalata na lagi kang sinasabotahe ng ilang kasama mo riyan sa Senado, Madam Committee Chairman?

Samantala, maugong ang bulung-bulungan na anomang oras ay tutuparin na ni Pangulong Bongbong Marcos ang una niyang pangako na “heads will roll” sa ilang opisyales ng BI matapos ang pangyayaring ito?

Maaasahan kaya namin ito, Pangulong BBM?

Ewan lang natin kung totoo ba ang chismis na noong isang araw pa pinagsa-submit ng courtesy resignation ang ibang mataas na opisyales diyan sa BI ngunit dedma lang daw ang mga ito?

Ano, pakapalan na lang ba ang labanan, mga bossing?

President BBM, ang tagal naman ng “heads will roll” mo na ‘yan! Sibakin mo na nang ‘di sila pamarisan!

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

70

Related posts

Leave a Comment