KAPAG nanenermon ang mga magulang ko noong bata pa ako, karaniwan kong naririnig sa kanila ang “sinasayang niyo ang panahon”. Kahit sa mga teachers, lagi nilang sinasabi “time is gold”.
Sa sitwasyon natin ngayon sa pandemya sa COVID-19, parang gusto ko ring sabihan ang Department of Health (DOH) na ”sinayang niyo ang panahon namin” dahil parang nawalang saysay ang enhance community quarantine (ECQ) na ilang beses din na-extend.
Unang nagpatupad ng ECQ noong Marso 17, 2020 sa bansa lalo na sa Metro Manila at na-extend hanggang Mayo 15, 2020 pero nasayang lahat ito dahil hindi nagawa ang mga dapat gawin.
Nagkaroon nga ng ECQ pero hindi nagsagawa ng mass testing at contact tracing. Pagkakataon sana ito para malaman kung sino ang mga tinamaan ng COVID-19 at maihiwalay agad at magamot pero hindi ginawa.
Ang nangyari pa, hindi parang ang gobyerno pa mismo ang dahilan ng pagkalat ng COVID-19 dahil nang mamudmod ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) nang Social Amelioration nagkaroon ng mass gathering sa mga barangay lalo na sa Metro Manila.
Naka-ECQ tayo pero tinipon nyo ang mga tao sa mga barangay para kunin ang kanilang social amelioration? Ngayon magtataka pa kayo kung bakit nagkahawaan ang mga tao?
Kaya nga nag-ECQ tayo para huwag kumalat ang COVID-19 pero dahil sa pagtitipon ng mga tao sa pagkuha ng social amelioration, parang kayo pa ang dahilan kung bakit kumalat ang COVID-19.
Inabot ng siyam-siyam si Secretary Francisco Duque sa pagdedesisyon ng magsagawa ng mass testing kaya nang makapagpasya na siya, wala na, kalat na ang COVID-19.
Ginagamit pa ang rapid test lalo na ang gawang China na hindi epektibo sa pagtukoy kung ang isang tao ay positibo sa COVID-19 o hindi. Maraming nagpositibo sa rapid test pero negatibo sa swab test at mas marami ang nagnegatibo sa rapid test pero positibo naman sa swab test.
Sayang ang panahong ginugol ng mga tao sa ECQ mula Marso hanggang Mayo at ngayon ay muli tayong bumalik sa ECQ dahil ngayon lang sila nabahala sa pagdami ng mga COVID-19 cases.
Sa haba ng panahong ito, marami na sanang nagawa ang mga tao pero sinayang nyo ang kanilang oras, kayo mismo ang naglulugmok sa kanila at ekonomiya ng bansa, dahil sa kapalpakan niyo sa paghawak ng ganitong problema.
Nagtataka lang talaga ako, bakit nasa DOH pa rin si Secretary Duque. Sa ibang bansa, kapag pumalpak sa una pa lang, ang kanilang government official agad silang nagre-resign kahit ayaw ng kanilang pangulo.
Dito sa atin, marami nang kapalapakan, nananatili pa sa kanilang puwesto ang mga hindi epektibong opisyales ng pamahalaan at kapag lumala ang problema, isisisi sa mga pasaway at ayaw sisihin ang sarili.
Sinasabi nila lagi: Kayong mga pasaway ang nagkalat ng COVID-19. Gusto kong sabihin naman sa kanila…kayong mga incompetent officials ang talagang nagkalat ng COVID-19.
83