NASINDAK SA PANGULO

MALAYO sa matapang na Commission on Audit (COA) ang humarap sa Kongreso kaugnay ng mga isinapubliko nitong iregularidad sa mga transaksyong pinasok ng iba’t ibang tanggapan ng gobyerno.

Mistulang bumait, kung hindi man naduwag ang COA sa mga patutsada at banta ng Pangulo.

Katunayan, sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Kamara kaugnay ng 2022 budget ng ahensyang ang mandato ay suriin ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan, mismong ang COA chairman na si ­Michael Aguinaldo ang nagsabing hindi na kailangang suriin pa ang pondong ginamit ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Katuwiran ni Aguinaldo, sobrang abala na sa dami ng trabaho ang kanilang special audit division na nakatutok umano sa kontrobersiyal na pork barrel, gayong malinaw sa kanilang mandato lahat ng tanggapan ng gobyerno, kailangang suriin ng ahensyang ito.

Para sa taong 2020, mahaba ang talaan ng mga kagawaran, kawanihan, government-owned and control corporation, mga komisyon at iba pang tanggapan ng gobyerno ang nakitaan nila ng bulilyaso.

Pero pagdating sa NTF-ELCAC, tila bahag ang buntot nito, marahil ayaw makaladkad sa mga personalidad na pilit idinidikit sa komunista, kundi man terorista.

Pwede rin naman napagtanto ng COA na ­maging sila’y ‘di kasing linis tulad na inaakala ng marami. O ‘di naman kaya, sa nerbiyos na ­tapyasan pa lalo ang kakarampot na budget nito.

Ang nais ng administrasyon, paigtingin ang kampanya kontra komunismo at terorismo. Sa puntong ito, kailangan anila ng dagdag pondo. Mula sa P16.4 bilyong 2021 budget, plano ng gobyernong maglaan ng P28.1 bilyon para sa NTF-ELCAC para sa susunod na taon.

Giit ng COA, mahirap suriin ang intelligence funds. Katunayan, wala silang nagawa kundi tanggapin at sang-ayunan na lang ang katwiran ng militar kaugnay sa naubos na intelligence funds nito.

Sa isang talatang nakasaad ay – “all utilized,” natameme na ang COA.

Bagama’t may mga patakaran sa paggamit ng intelligence funds, mistulang walang kakayahan at kapangyarihan ang COA na bulatlatin kung paano ginastos ang pondong klasipikadong para sa intelligence gathering.

Ang masaklap ay ang pag-amin ng COA na ang tangi lang nilang pwedeng gawin ay ipanalanging hindi gagastusin sa maling paraan ang intelligence funds ng NTF-ELCAC at iba pang tanggapang mayroon nito.

Hay siya… adios ang argumento.

75

Related posts

Leave a Comment