NAWALA ANG ANGAS NI BOY DILA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

INAAMIN ko na isa ako sa mga nabanas sa viral video ni Lexter Castro na binansang “Boy Dila”, dahil hindi na nga niya pinakinggan ang pakiusap ng delivery rider na huwag siyang basain, nang-aasar pa habang nakalabas ang dila.

Hindi pa tumigil ang mokong at naglabas pa ng video para asarin at murahin pa ang netizens na pumuna sa kanyang ginawa pero matapos ang ilang araw ay lumabas din siya dahil nai-stress na raw siya sa bantang natatanggap niya. Mukhang siya ang napeste.

Nagmamakaawa siya sa kanilang press conference ni San Juan City Mayor Francis Zamora, patawarin na raw siya lalo na ang rider na hindi niya iginalang kahit pinakiusapan at kunwari umiiyak dahil pati raw pamilya niya idinadamay.

Ang malungkot, wala raw nilabag na batas si Boy Dila na parang maamong tupa na nagmamakaawa sa publiko na patawarin na raw siya dahil stress na stress na raw siya at may mga death threat na.

Ang moral story dito, huwag maging maangas, matutong igalang ang karapatan ng mga tao lalo na kung pinakikiusapan ka dahil sa panahong ito, lahat ng mga tao meron nang smartphone at pwede nilang irekord ang kabulastugan mo.

Nakarating sa aming kaalaman na maraming nasiraan ng gamit tulad ng cellphone at laptop at may importanteng mga papeles kasama na ang school record, diploma dahil sa pambabasa sa kanila kahit anong pakiusap ng mga biktima na huwag silang basain.

Hindi masama na gawin ang tradisyong ito kapag pista ni San Juan Bautista pero hindi dapat idamay ang mga tao na hindi naman kasama sa kanilang pagsasaya dahil nakapeperwisyo na sila.

Bakit hindi magtalaga na lang kasi ng isang lugar ang San Juan government para roon na lang sila magbasaan hangga’t gusto nila para hindi na sila makaperwisyo ng kapwa tuwing sila ay nagsasaya?

Saka sa netizens naman, huwag gantihan ang taong kinababanasan niyo na ang magdudusa ay hindi siya kundi ang ibang tao.

Tulad na lamang itong nagdagsaang mga order ng pagkain, construction materials at iba pa na ipinangalan kay Boy Dila at idineliber sa kanyang address sa San Juan kahit hindi siya umorder.

Siguradong kagagawan ‘yan ng mga basher ni Boy Dila pero ang naperhuwisyo ay hindi siya kundi ang mga rider na nagbayad ng advance sa mga inorder ng sangkatutak na mga pagkain mula sa fastfood chain.

Kawawa naman ang food delivery riders na naperhuwisyo at nadamay sa katarantaduhan ni Boy Dilan lalo na ‘yung bata na mukhang nag-iipon para sa susunod na pasukan.

Pero teka, hindi ba rehistrado na ang mga Sim card ngayon? Bakit may mga scam pa na ganyan? Ibig bang sabihin, walang kwenta ang nasabing batas?

42

Related posts

Leave a Comment