NCRPO Chief kinaladkad nina alyas ‘Elmer’ at ‘Romy Lakay’ sa kolektong?

BALYADOR ni RONALD BULA

MATAPOS isailalim sa mas pinaluwag na alert level ang NCR ay para namang uhaw na uhaw sa pangongolekta ng intelihensya ang nagpakilalang mga ‘kolektong’ ng National Capital Region Police Office o NCRPO, itong sina alyas “Elmer” at “Romy Lakay” sa mga bahay-aliwan sa kahabaan ng Quirino Avenue, Airport Road at Roxas Blvd. sa Pasay City at Parañaque City.

Wala umanong habag at konsensya itong nagpapakilalang “kolektong” ng NCRPO gamit ang malinis na pangalan ni NCRPO chief, Police Major General Edgar Alan Okubo.

Ayon sa reklamo ng mga may-ari ng mga DISCO KTV BAR na hindi natin papangalanan bilang proteksyon na rin sa kanila, puwersahan umano silang hinihingian ng P30,000 bilang “weekly payola” nina alyas “Romy Lakay” at “Elmer” na may pananakot na i-raid sila ng R2 at RSOG, mga striker umano ng NCRPO, kapag hindi sila nakapagbigay ng halagang hinihingi.

Kinondena naman ng mga night club owner ang ginawang pangongotong nina alyas “Elmer” at alyas “Romy Lakay” sa mga beerhouse na pansamantalang pinayagan ng LGUs sa nasabing mga siyudad para kumita ng kaunting pera habang hindi pa natatapos ang pandemya.

Marami sa mga may-ari ng bahay-aliwan at mga tauhan nila ang nagutom at nawalan noon ng hanapbuhay dahil sa sunod-sunod na lockdown dulot ng salot na Covid-19, na sinasabing ngayon pa lamang bumabangon, na imbes na tulungang unawain ay kinokotongan pa.

Walang kapatawaran ang mali at garapal na gawaing ito, ayon sa ilang barangay official sa nasabing mga lungsod, na nakapanayam ng inyong lingkod.

Ang mga ganitong pangongotong ay gawain lamang ng mga walang konsensiya at batugang tao.

Posibleng nagamit lamang nina alyas “Elmer” at alyas “Romy Lakay” ang malinis na pangalan ni NCRPO Chief Okubo na ‘di kapani-paniwalang papatol sa ganito kagarapal na diskarte.

Hinihiling din ng ilang barangay officials kay NCRPO Chief Okubo na arestuhin sina alyas “Elmer” at alyas “Romy Lakay”, na nag-name-drop sa kanyang pangalan.

Hinihikayat din ng barangay officials ang iba pang posibleng kinokotongan nina alyas “Elmer” at “Romy Lakay” na magsumbong sa mga barangay upang maidokumento ang reklamo nila laban sa kotongero.

Pwede rin umanong direktang magreklamo sa tanggapan ni NCRPO Chief Okubo sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City at PNP Integrity Management and Enforcement Group (IMEG) sa Camp Crame na responsable sa panghuhuli at pag-aaresto sa mga nangongotong.

Laan umanong tulungan ng barangay officials ang kaawa-awang may-ari ng mga Disco KTV Bar na magsampa ng reklamo laban sa mga abusado at tiwali sa tanggapan ng NCRPO at IMEG.

Napag-alaman na P30K kada linggo bilang “payola” ang hinihingi nina alyas “Romy Lakay” at alyas “Elmer” na nagpakilalang sagradong mga bata ng NCRPO, sa mga may-ari at OIC ng mga bahay-aliwan sa Parañaque at Pasay.

Sinasabing “KOLEK-TONG AT LARGE” itong sina alyas “Romy Lakay at alyas “Elmer” sa lahat ng illegal vices sa Pasay at Parañaque lalo na sa mga Sauna Bath, SPA-kol at 1602.

Ang ibig sabihin ng kolek-tong at large ‘ay ‘yung namamahala sa koleksyon mula sa illegal vices tulad ng bahay-aliwan na nagpapalabas ng malaswang panoorin, SPA-kol at ilegal na sugal sa lungsod ng Pasay at Parañaque.

Samantala, isang alyas “Bernardino” naman ang itinuturong ‘kolektong’ ng mga operator ng pergalan (perya-sugalan) sa Metro Manila.

Kumbaga, limpak-limpak na kwarta na ang nakukuhang “weekly payola” nitong sina alyas “Elmer”, alyas “Romy Lakay” at alyas “Bernardino” sa kabang-yaman ng kanilang inginungusong bossing sa NCRPO?

Aba, NCRPO Chief Okubo, Sir, kung may ilegal, arestuhin at paano nga pala nakalulusot sa inyo ang ganyang kostumbre or shall we say ‘raket’?!

Subaybayan natin!

@@@

Para sa suhestyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com.

143

Related posts

Leave a Comment