NFA GINAWANG ‘PALABIGASAN’?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

TAMA ngang palabigasan ang National Food Authority (NFA), pero hindi dapat ng mga empleyado at opisyal nito kundi ng taumbayan dahil pera natin ang ginagamit dito.

Kamakailan may sumingaw na 139 officials ng NFA ang sinuspinde ng Office of the Ombudsman dahil umano sa katiwalian.

Ang katiwalian na binabanggit natin ay ibinenta raw sa pinaborang negosyante nang palugi ang mga bigas ng NFA, hala, totoo ngang ginawang “palabigasan.”

Ibinenta nang palugi, gobyerno ang nalugi pero ang bulsa ng iilan ay nabusog, sir, ayon pa sa ating tagasubaybay.

Siyempre kung trader ang nakabili ng mga bigas na iyon dahil mura lang, ang kanilang gagawin at hahaluan ito ng commercial rice at ibebenta naman sa mga merkado sa presyo ng commercial rice (adulteration).

Sa ginagawa ng mga ito ay ginigisa nila tayo sa sarili nating mantika.

Dahil dito, noong Marso 4, 2024 ay sinuspinde ng Office of the Ombudsman ang 139 officials and employees ng NFA.

Kasama sina NFA Administrator Roderico Bioco, Assistant Administrator for Operations John Robert Hermano, 12 regional managers, 27 branch managers at 98 warehouse supervisors.

Kung ako ang tatanungin, hindi lang dapat suspension ang ipataw sa mga ito, kundi ang pinakamabigat na parusa, kung uubra, economic sabotage ang ipatupad sa kanila.

Nagiging paulit-ulit na lang ito sa mga opisina ng gobyerno na hindi natutuldukan dahil hanggang pagsibak lang sa kanila ang parusa at kalaunan ay nakalilimutan na.

Ibang klase na ito, halos lahat ng mga opisyal at empleyado ng NFA ay nagkakasundo sa iisang layunin? Layuning gawing “palabigasan” ang NFA?

Dahil sa sibakang nangyari sa NFA, itinalaga ng council si Piolito Santos bilang officer-in-charge administrator ng palabigasan ng taumbayan, hindi ng iilan, ha!

Onli in da Pilipins ito, halos lahat ng mga opisyal at empleyado ng NFA ay nagkaisa sa iisang gusto, buti sana kung ang kanilang layunin ay para sa kabutihan ng taumbayan.

Kung alin pa man din na tanggapan ng gobyerno na inaasahan na magiging katuwang ng mga magsasaka, ang siyang laging nagkakaroon ng kontrobersiya.

Paano magkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain ang mga Pilipino kung ganito naman palagi ang mangyayari?

Minsan na ring nagkaroon ng “fertilizers scam” sa Department of Agriculture (DA), na si Juan dela Cruz na naman ang biktima.

Abay! pati ba naman mga kongresista sa Metro Manila ay nagkaroon ng pondo para sa fertilizers, anong sasakahin sa EDSA na puro semento?

Matagal na tayong niloloko ng mga ito, hanggang ngayon ay hindi pa rin natitigil, kaya dapat ang parusa sa kanila ay ang pinakamabigat para hindi na sila pamarisan o masundan pa.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

199

Related posts

Leave a Comment