PUNA ni JOEL O. AMONGO
SINASABI ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai na bawal paupahan, ipasalo at ibenta ng mga benepisyaryo ang kanilang housing unit.
Sa kabila ng paulit-ulit na sinasabing ito ni GM Tai na bawal ito ay nananatiling ginagawa pa rin at binabalewala ng mga benepisyaryo ang babalang ito.
Marami tayong nakikita sa social media na naka-post na paupahan, nagpapasalo at nagbebenta ng kanilang NHA housing unit na may halagang P250K hanggang umabot pa ng milyong piso ang presyo.
Ang sasalo o bibili ng housing unit ng benepisyaryo ang magpapatuloy sa paghuhulog ng buwanang bayarin nito sa NHA Office.
Sa puntong ito, nakuha sa murang halaga ang NHA housing unit, tapos ipapasalo nila at ibebenta sa iba na hindi benepisyaryo ng nasabing pabahay ng gobyerno sa mataas na halaga.
Hindi pa nila nababayaran nang buo ang halaga ng housing unit sa NHA, ay naibenta at napasalo na nila ito sa iba. Hanep! Ang galing ng Pinoy sa pagkakaperahan.
Sa mga napapaupa naman ay hindi pa rin nila bayad ang kanilang unit sa NHA ay pinagkakakitaan na nila ito nang buwanan sa pamamagitan ng renta.
Kadalasan nating nakikitang nagpapasalo at nagbebenta ng kanilang NHA housing unit ay sa Bagong Silang at Camarin sa North Caloocan City.
Lumalabas na ang benepisyaryo ng NHA housing unit ay ininegosyo ang nasabing pabahay ng gobyerno para sa mahihirap.
Si GM Tai ay nagbabala sa mga benepisyaryo ng NHA ukol sa ilegal na pagbebenta ng mga pabahay.
Batay sa NHA Memorandum Circular Blg. 2374, ang mga lumabag sa kasunduan at mapatutunayang nagbenta ng kanilang tahanan ay hindi na muling makatatanggap ng pabahay sa kadahilanang limitado sa isang beses lamang ang pagkakataong ito.
Ayon pa kay GM Tai, mahigpit ding ipinagbabawal ng ahensiya ang pagpapaupa at pagsasangla ng bahay.
Kabilang na rin sa panuntunan ang pagbabawal na baguhin, palitan at ilipat ang karapatang manirahan o magmay-ari nang walang kaukulang kasulatan mula sa NHA.
Alinsunod sa patakaran ng NHA, sa pagsasagawa ng regular na inspeksyon sa mga naninirahan (occupancy check) sa mga proyektong pabahay, ang pag-blacklist sa mga mahuhuling ilegal na nagbebenta ng mga pabahay at pagkansela ng karapatan sa bahay.
Kung ang parusa lamang ng NHA sa mga nagbebenta, nagpapasalo at nagpapaupa ng kanilang housing unit, ay i-blacklist at pagkansela ng karapatan sa bahay, ay hindi matutuldukan ang kalokohang ito ng mga benepisyaryo.
Nakatanggap tayo ng reklamo mula sa Brgy. Batasan Hills, Quezon City na maging ang lote na inaward ng National Government Center (NGC-NHA) sa mga benepisyaryo sa lugar ay ibinebenta at ipinapasalo na rin sa ibang tao.
Mga tauhan pa diumano ng NGC-NHA ang kasabwat ng nagbebenta at nagpapasalo ng kanilang lote. Ayon pa sa ating natanggap na impormasyon, ito ay pinagkakakitaan ng mga taga NGC-NHA. Ang NGC ay nasasakupan ng malalaking Barangay ng Holy Spirit,
Commonwealth at Batasan Hills, pawang sa Quezon City.
Paging GM Tai, sir, partikular akong nakatanggap ng reklamo mula sa Brgy. Batasan Hills, na ang lote na nakapangalan sa matandang lalaking pumanaw na ay ipinasa ng NGC sa kinakasama nito sa halip na sa orihinal na asawa.
Sir, ibubulong ko po sa inyo kung sino ‘yung orihinal na asawa na niloko na ng kanyang asawa na namatay, pati ba naman sa bahay at lote nila ang nakinabang ay ang kabit ng kanyang asawa? GM Tai sir, kawawa naman si Lola, ang edad niya ay nasa 86-anyos na, siya
ay napagkakaitan pa ng hustisya.
oOo
Para sa sumbong at reaksyon, mag-text o tumawag sa cell# 0916-528-8796.
133