NILARO NG TADHANA O NAGKATAON LANG?

EDITORIAL

HUNYO 22, huling nakita ang magkasintahan na sina Mutya ng Pampanga beauty pageant candidate Geneva Lopez at boyfriend Israeli Yitshak Cohen.

Papuntang Tarlac ang dalawa para katagpuin ang middleman sa bibilhing 20 ektaryang lupa. Pero, hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ang magkasintahan.

Nadiskubre ang nagliliyab na SUV na sasakyan ng mga ito sa isang barangay sa gilid ng kalsada sa Capas, Tarlac noong madaling araw ng Hunyo 23, ayon sa task group na binuo ng Criminal Investigation and Detection, Highway Patrol Group at Anti-Cybercrime Group.

Matapos ang inisyal na imbestigayon, nabatid na ang middleman ay isang dating pulis ng Angeles City. Nasibak ito sa puwesto ngunit hindi pa batid ang background nito dahil nag-iingat umano ang kapulisan sa imbestigasyon.

Ayon kay Col. Jean Fajardo, spokesperson ng PNP, hindi pa sila makapagbibigay ng karagdagang impormasyon ngunit may persons of interest na sila sa kaso. Tiniyak din nito na may magandang lead na tinututukan ang imbestigasyon.

Sinabi ni Fajardo, lumutang na ang ‘middleman’ at gumawa ng affidavit at sinabing naghiwalay rin sila ng magkasintahan matapos ang transaksyon.

Inaalam na ngayon kung totoo ang sinasabi ng dating pulis.

Noong nakaraang taon, Oktubre 12, nang mawala ang isa ring beauty pageant bet ng Batangas na si Catherine Camilon.

Ayon sa report, huli itong nakita sa isang mall sa lalawigan at kalaunan ay sinabing ang nobyong pulis – si Police Major Allan de Castro – ang kasama nito. Nakilala rin ng mga saksi ang driver/bodyguard nito na naglipat ng katawan ng duguang babae mula sa isang sasakyan patungo sa isa pang sasakyan.

Nakumpirmang kay Camilon ang dugo at hibla ng buhok na natagpuan sa kanyang sasakyan ngunit hindi na nagkaroon ng linaw ang kaso kahit pa pinatulan itong imbestigahan sa Senado.

Laro nga ba ng tadhana o sadyang nagkataon lang? Kapwa kandidata ng beauty pageant ang nawawalang biktima rito at ang sangkot din ay parehong pulis.

Kapwa lumutang ang idinawit na mga pulis. Ang isa ay masasabing posibleng maabswelto pa.

Nawa’y ‘wag nang maulit ang ganitong mga insidente at sana rin ay managot ang dalawang miyembro ng PNP na sangkot sa magkahiwalay ng karahasan ngunit may iisang denominasyon — ang pagkawala ng inosenteng mga kandidata na nagtiwala dahil alagad ng batas ang kasama ngunit mga tiwali rin pala.

Sana lang ay ‘wag mabaon sa limot ang kaso lalo na’t kabaro rin ang mga nag-iimbestiga.

35

Related posts

Leave a Comment