MY POINT OF BREW ni JERA SISON
TANGGAPIN na natin. Huwag na tayo magreklamo. Maski papaano ay may kontribusyon din tayo sa lumalalang trapiko sa lansangan. Ihinto na natin ang ugaling paninisi sa mga opisyal ng gobyerno sa problema sa trapiko, ngunit kung kailangan nating magsakripisyo ng kaunti upang makatulong sa paglutas o pagluwag ng daloy ng trapiko, aba’y malakas tayo umangal.
Tulad na lang ng ginawang kampanya ng MMDA tungkol sa mga ilegal na nakaparada sa lansangan na nagdudulot ng pagsikip ng kalye. Aba’y galit na galit ang mga may-ari ng sasakyan kapag ito ay hinahatak. Eh alam naman nila na bawal pumarada sa nasabing mga lugar.
Ganito rin ang nangyayari sa mga pribadong sasakyan na pumapasok sa ating bus lanes sa EDSA tuwing kasagsagan ng trapik. Maluwag kasi ang bus lane kaya naman walang respetong pumapasok ang ilang mga pasaway nating motorista roon. Pero alam naman nila na bawal. Mabuti na lamang at tila binabantayan na ito ng ating mga awtoridad. Balita ko nga ay tila tataasan nila ang penalty na parusa sa paglabag sa nasabing batas trapiko. Tama ‘yun!
Lumalaki na ang populasyon ng Metro Manila. Marami na rin na mga residente sa karatig na mga lungsod o munisipyo ng mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga, Cavite, Laguna at Batangas ang regular na pumupunta sa Metro Manila upang maghanapbuhay. Kaya naman daang libong sasakyan ang nasa loob ng Metro Manila. Katunayan, sa kasagsagan ng trapiko, aabot ng tatlong oras ang biyahe mula Makati hanggang Quezon City. At ang pinag-uusapang distansya lamang ay wala pang 40 kilometers! Ganito na katindi ang sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila.
Kaya naman, nakita ng MMDA at ng Metro Manila Council na hindi na gaanong epektibo ang lumang polisiya ng number coding kung saan binibigyan pa ng puwang ang mga motorista na hindi ipinatutupad ang number coding. Ang number coding scheme kasi sa Metro Manila ay nagsisimula ng 7 a.m. hanggang 10 a.m. at ibabalik muli mula 5 p.m. hanggang 8 p.m., Lunes hanggang Biyernes. Walang number coding tuwing Sabado at Linggo at mga piyesta opisyal.
Dahil dito, tila magbabago na ang nasabing polisiya ng MMDA, lalo na at sasapit na ang kapaskuhan. Alam naman natin kung gaano katindi ang trapiko tuwing kapaskuhan. Kaya naman inaprubahan ng Metro Manila Council ang panukala ng MMDA na ang number coding scheme ay mahigpit na ipatutupad mula 7 am hanggang 7 pm. Wala nang puwang na oras. Kaya naman parehas na rin ito sa polisiya ng Makati City. Subalit sa ilang piling mga lansangan lamang ito ipatutupad.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, chairman ng policy-making ng Metro Manila Council, wala na raw coding window sa sumusunod na mga lansangan: C-1 Recto Avenue, C-2 President Quirino Avenue, C-3 Araneta Avenue, C-4 EDSA, C-5 C.P. Garcia Avenue, R-1 Roxas Blvd., R-2 Taft Avenue, R-3 SLEX, R-4 Shaw Boulevard, R-5 Ortigas Avenue, R-6 Magsaysay Boulevard, Aurora Boulevard, R-7 Quezon Avenue, Commonwealth Avenue, R-8 A. Bonifacio Avenue, R-9 Rizal Avenue, at sa R-10 Anda Circle hanggang Samson Road.
Kaya paghandaan na natin ito. Huwag na tayo umangal. Sumunod na lang tayo. Tingnan natin kung magkakaroon ng kaunting luwag ng daloy ng trapiko kapag ito ay ipinatupad. Subalit sa totoo lang, tila hindi natin gaanong mararamdaman ang ginhawa ng daloy ng trapiko kapag ipinatupad na ito.
Talaga naman kasing sobra ang dami ng mga sasakyan sa lansangan. Kailangang makagawa na ng mga polisiya ang ating gobyerno na ipagbawal na ang luma at bulok na mga sasakyan sa lansangan. Malaking hamon ito sa gobyerno. Eh kung ‘yung programa nilang ‘jeepney modernization’ ay hindi gumagalaw hanggang ngayon, eh ‘yung mga pribadong sasakyan pa kaya? Tsk tsk tsk.
184