NOT ONCE, BUT TWICE

PUNA Ni JOEL AMONGO

HINDI lang isang beses, kundi dalawang beses nang nabibiktima ng “fake news” sa kidnapping ang Caloocan City Police.

Noong Setyembre 22, 2022, nagsalita sa media si P/Col. Fernando Del Rosario, hepe ng Caloocan City Police, na naloko raw sila ng isang babae na nakilalang si alyas “Sam” na nagpasaklolo sa kanila matapos tangkaing dukutin ng isang lalaking nakamotor sa isang lugar sa nasabing syudad.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na ang sinasabing tangkang kidnapping kay alyas “Sam” ay walang katotohanan.

Ayon kay Col. Del Rosario, nakakuha sila ng panibagong video at testigo na lumalabas na ang sinasabi ni alyas “Sam” na nagtangkang mangidnap sa kanya na lalaking nakamotor ay kakilala niya pala.

Matatandaan, noong Set-yembre 4, 2022 ay lumapit at nagpasaklolo sa Caloocan City Police si alyas “Sam” na humarap pa sa taga-media habang sinasabi niya ang tangkang pagdukot sa kanya ng isang lalaking nakamotor sa Brgy. 177 ng nabanggit na syudad.

Sinasabi ni alyas “Sam” na pilit siyang pinasasakay ng lalaki sa motor at personal din napanood ng PUNA ang viral na video, na dalawang beses siyang nilapitan nito.

Ang video na ito ay nag-viral sa social media na kung saan ay umani ng samu’t saring reaksyon at maging ang PUNA ay napaniwala ni alyas “Sam” dahil katabi niya mismo ang mga police Caloocan habang sinasabi niya ang mga pangyayari. Tsk! Tsk! Tsk! Pasaway!

Ang lakas ng loob mo, Inday, na gamitin ang mga awtoridad na paniwalain na biktima ka ng tangkang kidnapping.

Sinabi pa ni Col. Del Rosario, nagdulot ng takot hindi lang sa mga residente ng Caloocan City kundi sa buong bansa ang binitiwang salita ni alyas “Sam” hinggil sa tangkang pangingidnap sa kanya.

Ayon pa sa hepe ng Caloocan Police, mas minabuting kasuhan nila sa Caloocan City ­Prosecutor’s Office si alyas “Sam” ng paglabag sa Article 154 o unlawful of means of publication at Article 353 o libel at bahala na sa kanya ang piskalya.

Ang mahirap pa kay alyas “Sam”, pinatagal pa nito ang isyu na gawa-gawa niya lang ang kidnapping hanggang lumabas sa imbestigasyon na ­nagsisinungaling siya.

Kaya pursigido ang mga awtoridad na mapanagot siya sa kanyang ginawa na kasiraan sa hanay ng pulisya at nakaalarma sa taumbayan.

Nang mapanood natin ang video na lumabas sa social media ay nagduda rin tayo na hindi kidnapping ang sinasabi ni alyas “Sam” dahil hindi gagamit ng single motorcycle ang kidnapper para dun isakay ang kanilang biktima.

Imposibleng maisakay ng kidnapper ang kanyang biktima sa isang single na motor, siyempre magpupumiglas ito ay makakukuha ito ng atensyon sa mga dumadaan lalo na sa araw nangyari.

Pero dahil katabi ni alyas “Sam” ang Caloocan City police habang sinasabi niya ang pangyayari, naniwala na rin tayo na tinangka nga siyang dukutin.

Ang lakas ng loob mo Inday, ang dami mong pinaniwala sa drama mo.

Matatandaan, noong Agusto 28, 2022 ay naglabas ng opisyal na pahayag si Caloocan City Mayor Along Malapitan na fake news ang balitang tangkang kidnapping sa isang batang babae sa Barangay 162.

Lumabas sa imbestigasyon ng barangay at pulisya na inamin ng bata na gawa-gawa niya lang ang lumabas na tangkang pangingidnap sa kanya.

Kaya dapat sa mga ‘yan ay mabigyan ng leksyon at nang hindi na pamarisan ng iba.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

133

Related posts

Leave a Comment